Ayon sa estadistikang inilabas ngayong araw, Agosto 7, 2022, ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, umabot sa halos $US333 bilyong dolyar ang halaga ng pagluluwas ng Tsina noong nagdaang Hulyo, at ito ay lumaki ng 18% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon.
Ang paglaking ito ay mas mataas kaysa sa 15% tinataya ng Reuters at 14.1% ng Bloomberg.
Samantala, ang halaga naman ng pag-aangkat ng Tsina noong Hulyo ay nasa $US231.7 bilyong dolyar, na lumaki ng 2.3% kumpara sa halaga noong Hulyo 2021.
Sa kabilang dako, ang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina sa mga bansang kalahok sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay umabot sa 1.17 trilyong yuan Renminbi o $US173 bilyong dolyar noong Hulyo.
Dagdag ng nabanggit na administrasyon, hindi lamang pinalalalim ng RCEP ang konektibidad na pangkabuhayan, kooperasyon sa kalakalan, at pamumuhunan ng mga may kinalamang bansa, nagbibigay rin ito ng bagong sigla sa pagbangon at pag-unlad ng kabuhayan sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Ayon pa sa estadistika, noong unang pitong buwan ng taong 2022, umabot sa $US3.64 trilyong dolyar ang kabuuang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina, at ito ay lumaki ng 10.4% kumpara sa gayunding panahon ng 2021.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan