Nagpadala kahapon, Agosto 24, 2022, ng mensahe sa isa’t isa sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Yoon Suk-yeol ng Timog Korea, bilang pagbati sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Sinabi ni Xi, na nitong 30 taong nakalipas, natamo ng Tsina at T.Korea ang komprehensibong pag-unlad at masaganang bunga ng kanilang relasyon. Ito aniya ay nagdudulot ng malaking benepisyo sa dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan, at nagbibigay ng mahalagang ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon at daigdig.
Tinukoy ni Xi, na ang mga susi sa malaking pag-unlad ng relasyong Sino-T.Koreano ay kinabibilangan ng pagkakaroon ng pangmalayuang pananaw, pagdaragdag ng pag-uunawaan at pagtitiwalaan, pagsasagawa ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at pagtutulungan sa pangangalaga sa mga saligang norma ng relasyong pandaigdig.
Ipinahayag din ni Xi ang kahandaan, kasama ng kanyang counterpart na T.Koreano, na alisin ang mga hadlang, patibayin ang pagkakaibigan, at pahalagahan ang kooperasyon, para lumikha ng mas magandang kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Yoon, na sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko, isinakatuparan ng T.Korea at Tsina ang makasaysayang pag-unlad sa kooperasyon sa iba’t ibang larangang gaya ng pulitika, kabuhayan, kultura, at walang humpay na nagiging matatag ang estratehiko at kooperatibong partnership ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang batay sa paggalang sa isa’t isa, hahanapin ng T.Korea at Tsina ang bagong direksyon ng kooperasyon, at pasusulungin ang mas may talino at malusog na relasyon ng dalawang bansa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos