Jakarta-Bandung Railway at China-Laos Railway, mga halimbawa ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta

2022-09-07 15:54:53  CMG
Share with:

Sinabi nitong Martes, Setyembre 6, 2022 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang Jakarta-Bandung High-Speed Railway ay flagship project ng kooperasyon ng Tsina at Indonesia sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI).

 

Aniya, makaraan itong makumpleto, ang nasabing proyekto ay magsisilbi bilang unang high-speed railway ng Indonesia at Timog-silangang Asya.

 

Malaki nitong patataasin ang lebel ng konektibidad ng Indonesia, at patitingkarin ang kasiglahan para sa pag-unlad ng kabuhay’t lipunan sa lokalidad.

 

Tinukoy ni Mao na ang pagpapadala ng high-speed electric multiple unit at comprehensive inspection train sa Indonesia ay platandaan ng masusing hakbang sa gawaing preparatoryo sa operasyon ng naturang daambakal.

 


Kaugnay naman ng China-Laos Railway, isinalaysay niyang nitong nakalipas na 9 na buwan, sapul nang isaoperasyon ang linyang ito, naihatid na ang 6.71 milyong person-time na pasahero at 7.17 milyong toneladang paninda.

 

Kabilang dito, 1.28 milyong tonelada ang kabuuang bolyum ng cross-border cargo, at lampas sa 10 bilyon ang kabuuang halaga ng international freight.

 

Dagdag niya, ang China-Laos Railway ay unti-unting nagiging accelerator ng rehiyonal na konektibidad at bagong makina ng kooperasyong pangkabuhayan, at mainit itong tinatanggap ng mga bansa sa rehiyon.

 

Saad ni Mao, ang Jakarta-Bandung High-Speed Railway at China-Laos Railway ay mga buhay na halimbawa ng pagpapalalim ng Tsina at mga bansa sa Timogsilangang Asya ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio