Sa isang farewell ceremony na ginanap nitong Martes, Setyembre 13, 2022 sa Phnom Penh, Kambodya, sinabi ni Vath Chamroeun, Pangkalahatang Kalihim ng National Olympic Committee ng Kambodya, na nakatakdang magtungo sa Tsina ang pinakamalaking grupo ng mga atletang Kambodyano upang magsanay para sa Ika-32 Southeast Asian Games (SEAG).
Ang nasabing grupo aniya ay kabibilangan ng 160 atleta mula sa 12 pambansang koponan.
Magsasadya sila sa Tsina sa Huwebes, para sa pagsasanay sa 12 palakasang kinabibilangan ng swimming, basketball, martial arts, weightlifting, volleyball, female football, badminton, wrestling, judo, table tennis, athletics at gymnastics, dagdag niya.
Saad pa niya, ito ang pinakamalawakang offline people-to-people exchanges ng dalawang bansa sa larangan ng palakasan, sapul nang sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Samantala, pinasalamatan din ni Chamroeun ang ibinigay na tulong ng panig Tsino.
Nananalig aniya siyang sa ilalim ng suporta ng Tsina, matagumpay na itataguyod ng Kambodya ang Ika-32 Southeast Asian Games, at matatamo ang magandang resulta sa mga paligsahan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio