Ika-19 na CAEXPO, binuksan

2022-09-17 18:23:59  CMG
Share with:

 

Binuksan kahapon, Setyembre 16, 2022, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, Tsina, ang Ika-19 na China-Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Expo at China-ASEAN Business and Investment Summit.

 

Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Han Zheng, Pangalawang Premyer ng Tsina, na batay sa mutuwal na kapakinabangan at pagkakaibigan ng magkakapitbansa, isinakatuparan ng Tsina at ASEAN ang tuluy-tuloy at mabilis na pag-unlad ng kanilang relasyon, at ang kooperasyon ng dalawang panig ay naging pinakamatagumpay at pinakamasiglang halimbawa sa rehiyong Asya-Pasipiko.

 


Ipinahayag din ni Han ang pag-asang, sasamantalahin ng Tsina at ASEAN ang mga bagong pagkakataong dulot ng Regional Comprehensive Economic Partnership, para palawakin ang pagbubukas at pagtutulungan at itatag ang mas mahigpit na komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at ASEAN.

 

Nagpadala naman ng mga video message sa seremonya ng pagbubukas sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas, Punong Ministro Ismail Sabri Yaakob ng Malaysia, Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, at mga mataas na opisyal ng ibang mga bansang ASEAN.


Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos