Nag-usap sa telepono nitong Lunes, Setyembre 19, 2022 sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Pham Minh Chinh, Punong Ministro ng Biyetnam.
Ipinahayag ni Li na masaya ang Tsina na masaksihan ang matatag na paglaki ng kabuhayan ng Biyetnam para makatulong sa katatagan ng supply chain ng Silangang Asya.
Nakahanda aniya ang Tsina na palawakin, kasama ng Biyetnam, ang kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan, at maigarantiya ang kaayusan ng customs clearance at border crossing.
Sinabi pa ni Li na palalawakin ng Tsina ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural ng Biyetnam. Aniya pa, sa kondisyon ng maayos na patakaran sa pagpigil ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), handang tanggapin ng Tsina ang mga estudyanteng Biyetnames at dagdagan ang mga direktang flights sa pagitan ng dalawang bansa.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea (SCS), idiniin ni Li na ang katatagan at kapayapaan ng SCS ay angkop sa kapakanan sa iba’t ibang panig. Nakahanda aniya ang Tsina, na magsikap, kasama ng mga bansang ASEAN, para marating ang Code of Conduct sa SCS sa lalong madaling panahon.
Ipinahayag ni Pham Minh Chinh na nasa mataas na prioridad ng diplomasya ng kanyang bansa ang pagpapaunlad sa relasyon sa Tsina.
Sinabi pa niyang nakahanda ang Biyetnam na panatilihin, kasama ng Tsina, ang madalas na pagpapalagayan sa mataas na antas, maayos na hawakan ang mga hidwaan, at pasulungin ang kooperasyon sa mga larangan na gaya ng kalakalan, pamumuhunan, custom clearance at kultura.
Salin: Ernest
Pulido: Mac