Espesyal na kinatawan ni Pangulong Xi, dumalo sa libing ni Reyna Elizabeth II sa Britanya

2022-09-21 16:07:06  CMG
Share with:

Sa paanyaya ng pamahalaang Britaniko, dumalo si Wang Qishan, Espesyal na Kinatawan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangalawang Pangulo ng bansa, sa libing ni Reyna Elizabeth II.

 

Noong Setyembre 18, dumalo si Wang sa seremonya ng pamamaalam sa labi ng Reyna sa Westminster Hall.

 


Samantala, nitong Lunes ng umaga, Setyembre 19, lumahok naman siya, kasama ng mga lider ng iba’t ibang bansa, mga miyembro ng maharlikang pamilya, at kinatawan ng mga pamahalaan, sa libing ng Reyna sa Westminster Abbey.

 

Ipinaabot ni Wang kay Haring Charles III ang pakikidalamhati ni Pangulong Xi at ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa pagyao ni Reyna Elizabeth II.

 

Ipinahayag din niya sa maharlikang pamilya, pamahalaan at mga mamamayan ng Britanya ang taos-pusong pakikiramay.

 

Pinasalamatan naman ni Haring Charles III ang pagdalo ni Wang sa libing ng kanyang ina, bilang espesyal na kinatawan ng pangulong Tsino.

 

Aniya, lubos na pinahahalagahan ng maharlikang pamilya ng Britanya ang pakikipagkaibigan sa lider Tsino at pag-unlad ng relasyong Britaniko-Sino.

 

Umaasa aniya siyang patuloy na uusad ang sustenableng pag-unlad ng pakikipagkooperasyon sa Tsina at iba pang larangan sa hinaharap.

 

Sa ngalan ng pamahalaang Britaniko, pinasalamatan naman ni Therese Coffey, Pangalawang Punong Ministro ng Britanya, ang pagdating ni Wang.

 

Saad ni Coffey, sumusulong ang iba’t ibang gawain ng bagong pamahalaan ng Britanya, at umaasa siyang ibayo pang mapapatibay ang kooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, pangangalaga sa kapaligiran, pagharap sa pagbabago ng klima, at mga multilateral na usapin.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio