Vientiane, Laos—Idinaos Martes, Setyembre 27, 2022 ang magkasanib na pagsasanay ng Tsina at Laos sa pagharap sa mga pangkagipitang pangyayari sa seguridad ng China-Laos Railway.
Ayon sa Pasuguang Tsino, natupad ang inaasahang target, at sinubok ang kakayahan ng China-Laos Railway sa pagtugon sa pangkagipitang insidenteng panseguridad, pangkagipitang koordinasyon, pagpapadala ng impormasyon, at paghawak sa mga pangkagipitang situwasyon.
Ipinagkaloob din ng pagsasanay ang matibay na garantiya para sa totohanang pagtatanggol sa kaligtasan ng daambakal, at pangangalaga sa kaligtasan ng buhay at ari-arian ng mga pasahero at manggagawa nito, dagdag ng pasuguan.
Ang naturang pagsasanay ay itinaguyod ng Laos-China Railway Co., Ltd., isang joint venture na responsable sa operasyon ng naturang daambakal; at sa ilalim ng koordinasyon ng Pasuguan ng Tsina sa Laos, Ministri ng Tanggulang Bansa, at Ministri ng Pampublikong Seguridad ng ng Laos.
Salin: Vera
Pulido: Rhio