Taya sa paglago ng kabuhayang pandaigdig sa 2023, pinababa ng IMF sa 2.7%

2022-10-12 15:56:00  CMG
Share with:

Ayon sa pinakahuling World Economic Outlook (WEO) na inilabas nitong Martes, Oktubre 11, 2022 ng International Monetary Fund (IMF), tinatayang lalago lamang ng 3.2% ang kabuhayang pandaigdig sa taong 2022, at ito ay kapareho ng pagtaya noong Hulyo.

 

Ayon pa sa WEO, babagal sa 2.7% ang bahagdan ng paglago ng kabuhayang pandaigdig sa taong 2023, na pinababa ng 0.2% kumpara sa pagtaya noong Hulyo.

 

Tinukoy ng ulat na kasalukuyang nahaharap ang kabuhayang pandaigdig sa maraming hamong tulad ng pinakamataas na implasyon nitong nakalipas na ilang dekada, paglala ng kapaligirang pinansyal sa maraming lugar, krisis ng Ukraine, at tuluy-tuloy na pananalasa ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Ang mga ito ay malubhang nakakaapekto sa prospek ng paglago ng kabuhayang pandaigdig, saad pa ng WEO.

 

Anang ulat, kinakaharap ng kabuhayang pandaigdig ang napakalaking panganib ng pagbaba, at posibleng lumitaw ang mga kamalian sa patakarang pansalapi sa usapin ng pagharap sa implasyon.

 

Bukod pa riyan, ang mas mabigat na epekto sa presyo ng enerhiya at pagkain ay posibleng humantong sa mas matagal na implasyon, at ang paglala ng kapaligirang pandaigdig sa pangingilak ng pondo ay posibleng magbunsod ng malawakang pagkabaon sa utang ng mga bagong sibol na merkado, dagdag ng ulat.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio