Mga Salawikaing Klasiko sa Makabagong Panahon: Pandaigdig na Kaligtasan

2022-10-16 18:05:12  CMG
Share with:


“Kailangan tayong tumahak sa landas ng kaligtasan na nakatuon sa diyalogo sa halip ng salungatan, pagiging magkatuwang sa halip ng kampihan, at komong kaunlaran sa halip ng pagkatalo ng iilan.” —Xi Jinping


Ang karakter na Tsino ay nagmula sa piktograpo ilang libong taon na ang nakakaraan. Halimbawa, ang “安” na mistulang isang babaeng nakaupo sa bahay ay nagpapahiwatig ng damdamin ng kaligtasang dulot ng tahanan.


Ang kaligtasan ay pundasyon ng kapayapaan. Noon pa man, naninindigan na ang mga Tsino sa ideya ng kapayapaan, na tulad ng pakahulugan ng salawikaing pagbabago ng poot sa pagkakaibigan.


Noong ika-15 siglo sa Dinastiyang Ming, pitong biyahe sa ibayong dagat ang isinagawa ni Zheng He, dakilang manlalayag na Tsino. Mapayapa ang lahat ng biyahe. Sa ikapitong paglalayag ng plota ni Zheng He, may gyera ang Malacca at Siam. Sa pamamagitan ni Zheng He, mapayapang nalutas ang gyera.


Ang ginawa ni Zheng He ay nakaugat sa pilosopiya ni Kompyusiyus, dakilang guro at pantas na Tsino. “Ang pagkakasundo ang pinakamahalaga” “Huwag gawin sa iba ang di nais gawin sa inyo.” Ang ganitong ideya ng Kompyusiyanismo ay ipinapasa sa hene-henerasyong Tsino nitong 2,500 taong nakalipas. Batay rito, nakikipamuhayan ang mga Tsino sa kapuwa tao at sa mga bansang dayuhan.


Kaugnay ng alitan ng Rusya at Ukraine, laging nagsisikap ang Tsina para mapayapa itong malutas. Bilang kaibigan ng dalawang bansa, hindi nagwawalang bahala hindi rin nakikialam ang Tsina.


Alam na alam ng Tsina, na ang pagkakaloob ng armas ay hindi magbubunga ng kapayapaan, at ang pagpapataw ng sangsyon ay hindi rin makakatulong sa pag-ahon sa pusali. Ang pagpapanumbalik ng talastasang pangkapayapaan ang siyang tanging kalutasan.  


Sa Sining ng Digmaan, obra maestra ni Sun Tzu, isa pang pantas na Tsino, mababasa ang mga pilosopiya na gaya ng “Ang kapayapaan ay layunin ng lahat na dapat laging pagpunyagian.” Ang diwa ng pag-iwas sa digmaan at pagpapahalaga sa kapayapaan ay nananalaytay sa dugo ng mga Tsino.


Sa pagbubukas ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina, Oktubre 16, 2022, inulit ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang paninindigang panseguridad at pangkapayapaan para itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan para sa sangkatauhan. Tampok dito ang pangangalaga sa kapayapaang pandaigdig at pagpapasulong ng komong kaunlaran.


Aniya: 


“Palagiang nananangan ang Tsina sa patakarang panlabas na pangalagaan ang pandaigdig na kapayapaan at pasulungin ang komong kaunlaran.”

“Buong tatag na pinaiiral ng Tsina ang nagsasariling mapayapang patakarang panlabas.”

“Hindi kailanman isusulong ng Tsina ang hegemonya’t ekspansyonismo.”


Ito ang buod ng kaisipang diplomatiko ni Xi at ito rin ang nasa sentro ng kanyang iniharap na Global Security Initiative.

 

Salin: Jade

Pulido/Voice-over: Mac

Patnugot sa video: Vera

Patnugot sa website: Jade