Tagapanguna’t tagapamuno sa reporma: Pagharap ni Xi Jinping ng teoryang “dalawang bundok”

2022-10-18 23:33:45  CMG
Share with:

Noong Agosto 15, 2005, bilang pinakamataas na lider sa lalawigang Zhejiang ng Tsina, bumisita si Xi Jinping sa Yucun, isang nayon ng lalawigang ito, para suriin ang kalagayan ng pagpapatupad ng patakaran ng pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal sa lugar.

 


Inalam niya mula sa lokal na opisyal, na pagkaraang sarhan ng nayong ito ang tatlong minahan ng apog at isang pagawaan ng semento, nabawasan ang polusyon, pero lumiit din ang kita ng mga taga-nayon.

 

Isinalaysay din ng lokal na opisyal, na sinusubok ng ilang pamilya ang agritourism, mainam ang kita nila, pero mas maliit pa rin kumpara sa kita ng pagmimina at paggawa ng semento, at bumagal din ang paglaki ng kabuhayan ng buong nayon kung ihahambing sa nakaraan.

 

Matapos pakinggan ang ulat, ipinahayag ni Xi ang suporta sa mga hakbangin ng Yucun. Sinabi niyang, mahalaga ang malinaw na katubigan at luntiang kabundukan, at mahalaga rin ang “bundok ng ginto at pilak,” pero kung hindi puwedeng parehong makuha, dapat gawin ang tamang pagpili.

 

Dagdag niya, sa maraming landas tungo sa pag-unlad, ang pinakamabuti ay sustenableng pag-unlad, at sa kalagayang ito, ang malinaw na katubigan at luntiang kabundukan ay magiging “bundok ng ginto at pilak.”



Ibinigay din ni Xi ang mungkahi para sa pag-unlad ng Yucun. Tinukoy niyang, malapit ang nayong ito sa ilang malalaking lunsod, at habang patuloy na umuunlad ang kabuhayan, magkakaroon ang mga taga-lunsod ng kagustuhang magbakasyon sa kanayunan. Kailangan aniyang samantalahin ng Yucun ang pagkakataong ito at pasulungin ang turismo, para makaakit ng mga turista mula sa mga lunsod.

 

Siyam na araw pagkaraan ng paglalakbay-suri sa Yucun, inilabas ni Xi sa pahayagang Zhejiang Daily ang artikulong pinamagatang “Ang Malinaw na Katubigan at Luntiang Kabundukan ay Kasinghalaga ng Bundok ng Ginto at Pilak.”

 

Sa artikulong ito, pormal na iniharap ni Xi ang kanyang palagay tungkol sa relasyon ng pag-unlad at ekolohiya, na tinatawag din nating teoryang “dalawang bundok.”

 


Sinabi niyang, ang buong husay na pangangalaga sa katubigan at kabundukan ay magbibigay ng mga espesyal na bentahe para sa ibayo pang pag-unlad, at hindi dapat paunlarin ang kabuhayan kapalit ang pagsira sa kapaligirang ekolohikal.

 

Paglipas ng halos 15 taon, noong Marso 30, 2020, bilang Pangulong Tsino, muling bumisita si Xi Jinping sa Yucun.

 

Tuwang-tuwa siya ng makita ang nayong may magandang tanawin at mabuting kapaligirang ekolohikal, hindi lamang maligaya ang pamumuhay ng mga lokal na mamamayan, kundi marami rin ang mga turista mula sa iba’t ibang lugar.

 


Sa kasalukuyan, ang teoryang “dalawang bundok” na iniharap ni Xi sa Yucun ay naging mahalagang patakaran ng Tsina para sa pangangalaga sa ekolohiya at pagpapaunlad ng kabuhayan. Ipinapatupad ito sa iba’t ibang lugar ng bansa, at natatamo ang kapansin-pansing mga bunga.


Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos