1864 Panda Tour, sinimulan sa Fujian

2022-10-29 23:00:44  CMG
Share with:

Xiamen, Lalawigang Fujian ng Tsina—Pormal na sinimulan nitong Huwebes, Oktubre 27, 2022 ang 1864 Panda Tour.

 


Ito ay kabilang sa serye ng mga aktibidad ng 2022 International Panda Day.

 

Noong 2017, inilunsad ng World Wide Fund for Nature (WWF) ang International Panda Day tuwing Oktubre 27, bilang pananawagan sa lahat ng mga sektor ng lipunan na bigyang-pansin ang pangangalaga sa biological diversity at endangered wild species na tulad ng mga giant panda.

 


Ayon sa WWF, ang mga giant panda ay hindi lamang pambansang kayamanan ng Tsina, kundi matagumpay na halimbawa rin ng pangangalaga sa biological diversity sa daigdig. Sinusuportahan ito ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

 


Sa okasyon ng Ika-6 na International Panda Day, naka-exhibit ngayon sa SM City Xiamen at SM Lifestyle Center, Lalawigang Fujian ang 1,864 giant panda paper sculptures.

 

Ang numerong 1864 sa titulo ng event ay kumakatawan sa kabuuang bilang ng mga wild pandas, ayon sa ika-4 na Giant Panda Survey.

 


Ang 1,864 eskulturang papel ng giant panda ay idinesenyo ng sikat na Chinese artist na si Han Meilin, batay sa imahe ng mga sanggol ng sangkatauhan.

 

Nitong nakalipas na 3 taon, itinanghal ang nasabing exhibition sa maraming lunsod ng Tsina na kinabibilangan ng Chengdu, Dujiangyan, Haikou, Beijing, Nanning, Shijiazhuang at Zhengzhou.

 


pinalalagay ni Han na ang kagandahan at fragility o pagiging maselan ng istatuwang papel ay simbolo ng ecosystem kung saan namumuhay ang sangkatauhan at lahat ng mga buhay.

 


Ang kasalukuyang 1864 Panda Tour ay magkakasamang itinataguyod ng SM China, WWF at One Planet Foundation (OPF). Tatagal ito nang 11 araw mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 7.

 

Ulat / Web editor: Vera

 

Pulido: Mac / Jade

 

Photo credit: SM China