2022 CIIE, muling lalahukan ng Pilipinas; kape at mangga ibibida

2022-11-01 11:19:49  CMG
Share with:


Sa eksklusibong panayam ng China Media Group Filipino Service, ibinalita ni Agriculture Counsellor Ana Abejuela na may 63 kumpanya ang lalahok sa 5th China International Import Export (CIIE) na gaganapin sa Shanghai mula Nobyembre 5-10, 2022.

Pahayag niya, “Ang CIIE na ito, ang main feature namin is to introduce Philippine specialty coffee. May special focus on coffee promotion, yan ang main activity namin sa CIIE, yan ang bago.”

Ayon pa kay Agriculture Counsellor Abejuela, ang CIIE ngayong taon ang isa sa pinakamalaking pagsali ng Pilipinas.

 Ana Abejuela, Agriculture Counsellor ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, Tsina

Sa  63 kumpanyang kalahok, 40 ang kabilang sa Food Philippines. Dito makikita ang mga fresh fruits, beverage, snacks, processed fruits at kape. May 23 coconut companies din. Paliwanag ni Abejuela ang pavilion ngayon ng Pilipinas ay nahahati sa dalawa: Food Philippines at Coconut Philippines.

Upang lubos na pakinabangan ang oportunidad na alok ng CIIE para ma-penetrate ang merkadong Tsino, sinuportahan ng Department of Agriculture (DA) ang limang kumpanya ng kape at limang kumpanya ng sariwa at prinosesong pagkain.

Philippine Specialty Coffee Tasting Activity Poster

Dumarami ngayon ang mga Tsino na nahihilig sa kape. At marami ang nagtatanong sa Office of the Agriculture Counsellor sa Beijing tungkol sa producers ng kape sa Pilipinas. Kaya naman bilang sagot sa demand na ito, ipakikilala ang specialty coffee ng Pilipinas.  

Specialty coffee ang tawag kapag naabot ang 80 hanggang 100 na coffee grade. Sa madaling salita ang kapeng ito ay may pinakamataas na kalidad ng lasa at bango. Malayo sa lasa ng instant coffee.

Sinabi ni Abejuela na matapang at masarap ang kapeng galing sa Benguet, Batangas, Mindanao at Negros. “Itong mga maliliit na growers ng specialty coffee ay meron silang small volume na ineexport,” dagdag niya.

At matutunghayan at matitikman ang mga ito sa Ikalimang CIIE.

Bilang pagtatapos, ang isa pang bago sa Philippine pavilion ani Abejuela, “Meron kaming fresh yellow mangoes sa CIIE. For the first time sa limang taon naming pagsali, ngayon pa lang magkakaroon ng fresh mangoes.”

Sapul noong 2018 nang magsimula ang unang CIIE, taun-taong lumalahok dito ang Pilipinas. Noong 2021 CIIE, umabot sa US$ 597.34 milyon ang onsite export sales ng Pilipinas. Tumaas ito ng 29.3% kumpara noong 2020 na nagkahalaga ng US$ 462 milyon. Samantala, US$389.70 milyon ang naabot sa ikalawang CIIE, at US$ 124 milyon para sa unang CIIE.

Layon ng CIIE na magbukas sa labas ang Tsina ng pamilihang panloob nito para suportahan ang liberalisasyong pangkalakalan at globalisasyong pangkabuhayan. Alok nito ang malaking benepisyo sa mga bansa at rehiyon ng daigdig para maging mas malakas ang pagpapalitan at pagtutulungang pangkabuhaya’t pangkalakalan.


Mga ibibidang kape sa ika-5 CIIE


Ulat: Machelle Ramos

Pulido: Jade/Mac

Patnugot sa website: Jade

Larawan: CFP/Jade/DA