Sa kanilang pag-uusap kahapon, Nobyembre 3, 2022 sa Beijing, magkasamang inilahad nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at kanyang counterpart na si Samia Suluhu Hassan ng Tanzania na patataasin ang relasyong Sino-Tanzanian sa komprehensibong estratehikong kooperatibong partnership.
Si Pangulong Hassan ay unang lider ng mga bansang Aprikano na nagsagawa ng dalaw pang-estado sa Tsina pagkatapos ng ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Tinukoy ni Xi na ang pagdalaw ni Hassan sa Tsina ay nagpapakita ng matalik na relasyon ng Tsina at Tanzania at mahalagang katayuan ng relasyong Sino-Aprikano sa diplomasya ng Tsina.
Idiniin ni Xi na nakahanda ang Tsina na patuloy na palawakin ang pag-aangkat ng mga produkto ng Tanzania at suportahan ang pamumuhunan at pagpapatakbo ng mga bahay-kalakal sa bansang ito para tulungan ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng lokalidad.
Sinabi pa ni Xi na kasama ng Tanzania, nakahanda ang Tsina na magpalitan ng mga karanasan at hakbangin hinggil sa pagpapasulong ng pag-unlad ng mga kanayunan.
Ipinahayag ni Hassan na patuloy at matatag na kakatigan ng kanyang bansa ang Tsina sa mga isyung may kinalaman sa Taiwan, Xinjiang at Hong Kong at mga usaping may kinalaman sa nukleong kapakanan ng Tsina.
Sinabi ni Hassan na ang Global Development Initiative (GDI) na iniharap ni Xi ay nakakatulong sa paglutas sa mga hamon na kinakaharap ng buong daigdig. Nakahanda ang kanyang bansa na aktibong isakatuparan, kasama ng Tsina, ang GDI, saan ni Hassan.
Pagkatapos ng talastasan, magkasamang nasaksihan nina Xi at Hassan ang paglagda ng dalawang bansa sa mga kasunduan ng bilateral na kooperasyon sa mga larangan ng kalakalan, pamumuhunan, digital economy, at green economy.
Ipinatalastas din ng dalawang bansa ang magkasanib na pahayag hinggil sa pagkakatatag ng comprehensive strategic cooperative partnership.
Salin: Ernest
Pulido: Mac