Tsina at Alemanya, pasusulungin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan

2022-11-05 16:35:37  CMG
Share with:

 

Nag-usap kahapon, Nobyembre 4, 2022, sa Beijing, sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya.

 

Sinabi ni Li, na kailangang tuluy-tuloy na pasulungin ang malusog at matatag na relasyong Sino-Aleman. Ito aniya ay makakatulong sa pagpapatatag ng relasyong pandaigdig, pagpapalakas ng kabuhayang pandaigdig, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at buong mundo.

 

Ipinahayag din ni Li ang kahandaan ng Tsina, kasama ng Alemanya, na palakasin ang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, manupaktura, paglaban sa pandemiya, at mga iba pang aspekto, pasulungin ang pagbuo ng kooperatibong mekanismo tungo sa pagbabago ng klima, at maayos na pagdaragdag ng mga direktang byahe ng eroplano sa pagitan ng dalawang bansa.

 

Sinabi naman ni Scholz, na hindi sinusuportahan ng Alemanya ang “decoupling.” Dapat tiyakin ang mapayapang pag-unlad ng daigdig, panatilihin ang paglaki ng kabuhayang pandaigdig, at isakatuparan ang pantay-pantay na market access, dagdag niya.

 

Ani Scholz, nakahanda ang Alemanya, kasama ng Tsina, na lampasan ang epekto ng COVID-19, palalimin ang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, paglaban sa pandemiya, at pagharap sa pagbabago ng klima, pasulungin ang pagpapalagayan ng mga tao, at ibayo pang paunlarin ang relasyong Aleman-Sino.


Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos