Pangulong Tsino at Chancellor na Aleman, nagtagpo

2022-11-04 16:25:11  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing - Nakipagtagpo ngayong araw, Nobyembre 4, 2022 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay dumadalaw na Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya.

 

Tinukoy ni Xi na si Scholz ay unang lider Europeo na bumisita sa Tsina pagkatapos ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at kauna-unahang biyahe rin ni Scholz sa Tsina pagkaraang manungkulan bilang chancellor.

 

Nananalig aniya siyang pahihigpitin ng kasalukuyang pagdalaw ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan ng kapuwa panig, palalalimin ang pragmatikong kooperasyon sa iba’t ibang larangan, at mabuting plaplanuhin ang pag-unlad ng relasyong Sino-Aleman sa susunod na yugto.

 

Diin ni Xi, ang kasalukuyang taon ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Alemanya. Nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Aleman, na magsakamang magpunyagi, upang buuin ang komprehensibo’t estratehikong partnership tungo sa hinaharap, at pasulungin ang pagtamo ng relasyong Sino-Aleman at Sino-Europeo ng bagong progreso.

 

Saad ni Xi, madaling sirain ang pagtitiwalaang pulitikal, pero mahirap buuin muli ito. Nananatiling matatag at tuluy-tuloy ang patakaran ng Tsina sa Alemanya, at umaasang mananangan ang panig Aleman sa positibong patakaran sa Tsina, at maisasakatuparan ang mutuwal na kapakinabangan at win-win situation ng dalawang bansa.

 

Inihayag din niya ang pag-asang tututulan ng Alemanya, kasama ng panig Tsino, ang proteksyonismo, para mas mainam na makinabang ang mga mamamayan sa bunga ng kooperasyon ng dalawang bansa.

 

Nakahanda rin ang panig Tsino na palakasin ang koordinasyon at kooperasyon sa panig Aleman at Europeo sa mga suliraning pandaigdig, at magkakasamang hanapin ang solusyon sa pagharap sa pagbabago ng klima, pangangalaga sa biodiversity, pagpapasulong sa seguridad ng pagkain, at iba pang isyung pandaigdig, dagdag ni Xi.

 

Sinabi naman ni Scholz na ang Tsina ay mahalagang trade partner ng Alemanya at Europa.

 

Buong tatag aniyang kinakatigan ng Alemanya ang liberalisasyon ng kalakalan at globalisasyon ng kabuhayan, at tinututulan ang “decoupling.”

 

Aniya, nakahanda ang panig Aleman na makipagpalitan ng kuru-kuro sa panig Tsino hinggil sa mga isyung may magkakaibang paninindigan ng kapuwa panig, pahigpitin ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan, at buong sikap na patatagin, patibayin at paunlarin ang relasyong Aleman-Sino.

 

Kinakailangan ng daigdig ang isang multi-polarisadong kayarian, at karapat-dapat na pahalagahan ang papel at impluwensiya ng mga bagong-sibol na bansa. Tinututulan ng Alemanya ang paglulunsad ng komprontasyon, at kailangang maging responsable dito ang mga pultiko, dagdag ni Scholz.

 

Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa krisis ng Ukraine.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Mac