Sa paanyaya ni Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, dumating Martes ng gabi, Nobyembre 8, 2022 ng Phnom Penh, kabisera ng bansa si Premyer Li Keqiang ng Tsina, para sa opisyal na pagdalaw at pagdalo sa serye ng mga Pulong ng mga Lider ng Kooperasyon ng Silangang Asya.
Inihayag ni Li na ang Tsina at ASEAN ay komprehensibo’t estratehikong magkapartner at pinakamalaking trade partner ng isa’t isa.
Inaasahan aniya ng panig Tsino na pag-uukulan ng pansin ng gaganaping serye ng mga pulong ang pag-unlad at kooperasyon; igigiit ang multilateralismo, malayang kalakalan, pagbubukas, pagtutulungan, mutuwal na kapakinabangan at win-win na situwasyon; magkasamang pangangalagaan ang kaligtasan ng global industry chain at supply chain; at pau-usbungin ang bagong lakas-panulak para sa pagpapasulong ng integrasyon ng kabuhayang panrehiyon, at pagtatanggol sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran at kasaganaan ng daigdig.
Umaasa rin si Li na sa pamamagitan ng kanyang opisyal na pagdalaw sa Kambodya, mapapasulong ang pagtatamo ng mas maraming bunga ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Kambodya, at mas mainam na maihahatid ang benepisyo sa dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio