Phnom Penh, Kambodya - Nagtagpo Nobyembre 13, 2022 sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN).
Ani Premyer Li, ang UN ay pinakamahalagang institusyon sa pagtatanggol sa multilateralismo.
Sa kasalukuyang sitwasyon, ang pundasyon ng pagtatangol sa multilateralismo ay pagsunod sa mga layunin at patakaran ng UN Charter, at pangangalaga sa awtoridad ng UN sa paghawak ng mga isyung pandaigdig, dagdag ni Li.
Aniya, kinakatigan ng panig Tsino ang mga natamong bagong progreso ng UN sa pangunguna ni Guterres.
Patuloy aniyang palalalimin ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa mga ahensya ng UN.
Kasama ng iba’t ibang panig, ipagsasanggalang ng Tsina ang mga layunin at prinsipyo ng UN Charter, pamatayan ng pandaigdigang batas, at katarungan sa daigdig.
Saad ni Li, nakahanda ring pahigpitin ng Tsina ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordinahan sa UN, at suportahan ang mga umuunlad na bansa, sa abot ng makakaya, para isulong ang pag-unlad sa ekonomiya, at maayos na tugunan ang pagbabago ng klima.
Sinabi naman ni Guterres na napakahalaga ang kooperasyon ng Tsina at UN para sa multilateralismo.
Pinuri rin niya ang pagtatanggol ng Tsina sa multilateralismo at kontribusyon ng bansa sa pagpapasulong sa mga adiyenda ng UN na kinabibilangan ng pagtugon sa pagbabago ng klima, pagpapasulong ng sustenableng pag-unlad at iba pa.
Aniya, umaasa ang UN na ibayo pang mapalalim ang kooperasyon sa Tsina.
Salin: Kulas
Pulido: Rhio Zablan