Sa kanyang pakikipagtagpo Nobyembre 15, 2022 sa Bali Island, Indonesya kay Punong Ministro Anthony Albanese ng Australya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nararapat pabutihin, pangalagaan at pasulungin ng dalawang bansa ang kanilang bilateral na relasyon.
Ito aniya ay angkop sa kapakanan ng mga Tsino’t Australyano at nakakabuti sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyong Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Idiniin pa ni Xi na kailangang maayos at tamang hawakan ng dalawang bansa ang mga pagkakaiba, igalang ang isa’t isa, at igiit ang mutuwal na kapakinabangan.
Ito ang susi sa matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, ani Xi.
Dagdag niya, malakas ang nakatagong puwersa ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa, at umaasa siyang lilikhain ng Australya ang mainam na kapaligirang pampamumuhunan at pangnegosyo para sa mga bahay-kalakal ng Tsina.
Ipinahayag naman ni Albanese na kasama ng Tsina, nakahanda ang kanyang bansa na paliitin ang mga pagkakaiba sa pamamagitan ng konstruktibo at matapat na diyalogo at pag-uugnayan.
Umaasa aniya siyang maisasagawa ng Australya at Tsina ang mas maraming kooperasyon hinggil sa pagharap sa pagbabago ng klima, kabuhayan at kalakalan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio