Ministro ng Tanggulang-bansa ng Tsina at Amerika, nagtagpo

2022-11-22 17:03:47  CMG
Share with:

 

Nag-usap ngayong araw, Nobyembre 22, 2022, sa Siem Reap, Kambodya, sina Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang-bansa ng Tsina at Lloyd Austin, Kalihim ng Depensa ng Amerika.

 

Ani Wei, sa pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika sa Ika-17 Summit ng mga lider ng G20, nagkasundo sila sa mga komong palagay na tumutukoy sa direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.

 

Kaugnay naman ng kasalukuyang kalagayang kinakaharap ng dalawang bansa, ito aniya ay responsibilidad ng Amerika.

 

Lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano at mga hukbo ng dalawang panig, ngunit kailangan igalang ng Amerika ang nukleong kapakanan ng Tsina, paliwanag pa niya.

 

Dagdag ni Wei, umaasa ang Tsina na isasakatuparan ng Amerika ang pangako nito, at isasagawa ang rasyonal at pragmatikong patakaran sa Tsina, para pasulungin ang pagbalik ng relasyong Sino-Amerikano sa landas ng malusog at matatag na pag-unlad.

 

Diin niya, ang isyu ng Taiwan ay unang pulang linya sa relasyong Sino-Amerikano na hindi maaaring tawirin, at walang anumang puwersang panlabas ang may karapatang maki-alam sa mga suliranin ng Taiwan.

 

May kompiyansa at kakayahan ang hukbong Tsino na pangalagaan ang unipikasyon ng inang bayan, ani Wei.

 

Sa kabilang banda, ipinalalagay ng kapuwa panig na kailangang mataimtim na isakatuparan ng dalawang hukbo ang mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa, panatilihin ang koordinasyon, at palakasin ang pagkontrol sa krisis, para mapangalagaan ang kaligtasan at katatagan ng rehiyon.

 

Bukod dito, nagpalitan din ng kuru-kuro sina Wei at Austin hinggil sa kalagayang panrehiyon at pandaigdig, krisis ng Ukraine, isyu ng South China Sea, isyu ng Korean Peninsula, at iba pa.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio