Sinabi nitong Miyerkules, Nobyembre 23, 2022 ni Hossein Amir-Abdollahian, Ministrong Panlabas ng Iran, na may tatlong pangunahing di-pagkakasundo ang Iran at Amerika kaugnay ng talastasan sa pagpapanumbalik ng pagpapatupad sa kasunduang nuklear.
Ang una aniya ay tungkol sa paglutas sa mga natitirang isyu sa pagitan ng Iran at International Atomic Energy Agency (IAEA).
Ikalawa ay kaugnay ng kahilingan ng Iran tungkol sa garantiyang pangkabuhayan upang mabigyang-kompiyansa ang mga dayuhang kompanya na mamuhunan sa Iran.
At ang ikatlo ay ang kahilingang pagtanggal sa ekstensyon ng sangsyon ng mga kanluraning bansa sa mga ikatlong partido.
Dagdag niya, sa pamamagitan ng intermedyang panig, nagpapalitan ng mensahe ang Iran at Amerika, ngunit urong-sulong ang paninindigan ng Amerika sa mga mensahe nitong ipinadadala. Ito aniya ay nagpapalawak ng kawalang-tiwala ng Iran sa Amerika.
Salin: Kulas
Pulido: Rhio