Matapat na determinasyon, taglay ng Iran sa pagkakaroon ng pangmatagalang kasunduang nuklear

2022-08-08 15:27:23  CMG
Share with:

Ayon sa Ministring Panlabas ng Iran, nag-usap sa telepono, Linggo, Agosto 7, 2022 sina Ministrong Panlabas Hossein Amir-Abdollahian ng Iran at Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng United Nations (UN), para talakayin ang hinggil sa pagpapanumbalik ng talastasan sa Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA), kalagayan sa Gaza Strip ng Palestina, at iba pa.

 

Tungkol sa JCPOA, inihayag ni Amir-Abdollahian na may matapat na determinasyon ang Iran tungo sa pagkakaroon ng mabisa’t pangmatagalang kasunduan.

 

Ngunit, binigyang-diin niyang ang magiging resulta ng talastasan ay nakadepende sa pagsasagawa ng kinakailangang pleksibilidad at aktuwal na aksyon ng Amerika.

 

Saad pa niya, nagpapatuloy ang kooperasyon ng Iran at International Atomic Energy Agency (IAEA).

 

Iminumungkahi ng Iran ang pagtatatag ng Gitnang Silangan na ligtas sa sandatang nuklear, at handa ang Iran na patuloy na isagawa ang konstruktibong kooperasyon sa UN, para isakatuparan ang ganitong target, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio