Nakahanda ang Tsina na isulong ang mapagkaibigang pamparliamentong pakikipagpalitan sa iba’t-ibang antas sa mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pamamagitan ng maraming paraan.
Ito ang ipinahayag, Nobyembre 24, 2022 ni Li Zhanshu, Pangulo ng Pirmihang Lupon ng National People’s Congress (NPC) ng Tsina sa kanyang naka-video na talumpati sa seremonya ng pagtatapos ng Ika-43 Pangkalahatang Asembleya ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Dumalo rito si Li sa paanyaya ni Samdech Heng Samrin, Presidente ng Cambodian National Assembly at Pangalawang Tagapangulo ng Ika-43 Pangkalahatang Asembleya ng AIPA.
Dagdag ni Li, ang taong 2022 ay ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN at ikinagagalak niya ang mga natamong bunga sa konstruksyon ng ASEAN Community at pag-unlad ng AIPA.
Diin niya, ang pagpapalitan at pagtutulungan ng mga lehislatura ng Tsina at ASEAN ay mahalagang bahagi ng relasyon ng dalawang panig, at layon nitong palakasin ang pagkakaisa at kooperasyon at magdulot ng benepisyo sa mga mamamayan ng rehiyon.
Saad ni Li, tumatahak ang modernisasyong Tsino sa landas ng mapayapang pag-unlad, at patuloy na magsisikap ang bansa para pangalagaan ang pandaigdigang kapayapaan at pasulungin ang komong pag-unlad.