Premyer Li Keqiang: Tsina, tuluy-tuloy na pasusulungin ang pagbubukas sa mataas na antas

2022-12-10 15:33:13  CMG
Share with:

Sinabi Biyernes, Disyembre 9, 2022 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ibayo pang palalawakin ng bansa ang pagbubukas sa mataas na antas.

 

Winika ito ni Li sa Ika-7 "1+6" Roundtable sa lunsod Huangshan, Lalawigang Anhui ng Tsina, kasama nina Presidente David Malpass ng World Bank Group, Managing Director Kristalina Georgieva ng International Monetary Fund, Director-General Ngozi Okonjo-Iweala ng World Trade Organization, Director-General Gilbert F. Houngbo ng International Labor Organization, Secretary-General Mathias Cormann ng Organization for Economic Cooperation and Development, at Tagapangulong Klaas Knot ng Financial Stability Board.

 


Saad ni Li, layon ng “1+6” Roundtable na palalimin ang pagpapalitan at pagtutulungan, magkakasamang pangalagaan ang multilateralismo, pasulungin ang pagbubukas at pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig, at kalapin ang kuru-kuro at mungkahi sa reporma at pagbubukas ng Tsina.

 

Kasama ng iba’t ibang panig na kinabibilangan ng mga pangunahing pandaigdigang organong pangkabuhayan, handa aniya ang Tsina na magkasamang talakayin at hanapin ang landas ng pagbubukas at pagtutulungan, at pasulungin ang matatag na paglago ng kabuhayang pandaigdig.

 

Diin ni Li, ang liberalisasyon at pasilitasyon ng kalakalan at pamumuhunan ay makinang tagapagpasulong ng paglago ng kabuhayan, at nakikinabang dito ang lahat ng mga bansa.

 

Dapat aniyang pangalagaan ang multilateralismo, suportahan ang malaya’t patas na kalakalan, igarantiya ang pagiging matatag at maalwan ng global industry chain at supply chain, at magkasamang pasulungin ang integrasyon ng kabuhayang pandaigdig.

 


Umaasa naman ang mga kalahaok na namamahalang tauhan ng mga pandaigdigang organisasyong na mapapalalim ang partnership sa Tsina, at gagawin ang mas malaking ambag para sa pagharap sa pagbabago ng klima, at pagpapasulong sa sustenableng pag-unlad.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Lito