Tsina, nakahandang makipagtulungan sa daigdig sa didyital na ekonomiya

2022-12-20 16:10:13  CMG
Share with:

Sa katatapos na Central Economic Work Conference, napagpasyahan ng Tsina ang patuloy na pagtahak sa landas ng pagpapa-unlad ng didyital na ekonomiya sa 2023 at sa hinaharap.


Mula 2012 hanggang 2021, umakyat mula 11 trilyong yuan RMB hanggang 45 trilyong yuan RMB ang halaga ng didyital na ekonomiya ng bansa. Samantala, tumaas din mula 21.6% sa 39.8% ang proposyon ng didyital na ekonomiya sa Gross Domestic Product (GDP).


Kasabay nito, walang patid ding pinalalakas ng Tsina ang pagtutulungang pandaigdig sa didyital na ekonomiya. Noong 2016, bilang tagapangulong bansa ng Group of 20 (G20), inilakip ng Tsina sa kauna-unahang pagkakataon, ang didyital na ekonomiya sa G20 Blueprint on Innovative Growth. Bunga nito, inilunsad ng G20 ang Digital Economy Development and Cooperation Initiative.


Noong 2020, inihain ng Tsina ang Global Data Security Initiative.


Dagdag pa riyan, siyam na taong singkad na itinataguyod ng Tsina ang World Internet Conference, at ito’y nagsisilbing mahalagang plataporma ng pagpapalitan at pagtutulungang pandaigdig sa didyital na ekonomiya.


Hanggang sa kasalukuyan, napirmahan na ng Tsina at 17 bansa ang Memorandum of Understanding (MOU) sa Digital Silk Road. Kasabay nito, naitatag din ng Tsina at 23 bansa ang bilateral na mekanismong pangkooperayson sa Silk Road E-commerce.


Sa kasalukuyan, wala pang akses sa Internet ang humigit-kumulang 3 bilyong tao sa daigdig.


Nakahandang makipagtulungan ang Tsina sa iba’t-ibang panig  para buuin ang bukas, inklusibo, pantay, makatuwiran, walang-diskriminasyong kapaligiran ng pag-unlad ng didyital na ekonomiya para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.


Salin: Jade

Pulido: Rhio