Ano ang nangyari sa daigdig?
Sa taong 2022, matinding apektado ang kaayusan ng lipunan at kabuhayan ng mga bansang Europeo, hindi lamang dahil sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), kundi dahil na rin sa alitan ng Rusya at Ukraine.
Ang digmaan at alitan ay nagdulot ng pagdurusa sa maraming pamilya, nagpabagal sa pag-unlad ng lipunan, at nagbunsod ng mga pandaigdigang krisis.
Krisis ng pagkaing-butil
Ang Rusya at Ukraine ay kapuwa pangunahing prodyuser at tagaluwas ng pagkaing-butil sa daigdig, at dahil sa kanilang alitan, mabilis na tumaas ang presyo ng pagkaing-butil sa daigdig.
At dahil sa dobleng epekto ng COVID-19 at pagbabago ng klima, lumitaw ang pinakamalalang pandaigdigang krisis sa pagkaing-butil sapul noong 2008.
Ito’y banta sa buhay at hanapbuhay ng halos 345 milyong tao, ngunit sa kabila nito, patuloy ang sagupaan ng Rusya at Ukraine.
Krisis ng enerhiya
Noong Setyembre 2022, sunud-sunod na sumabog ang “Nord Stream 1” at “Nord Stream 2,” mga tubo ng natural gas na nagdurugtong sa Rusya at Kanlurang Europa.
Wala pang konkretong konklusyon sa tunay na dahilan, pero kitang-kita ang resulta – 1,000% ang itinaas ng presyo ng kuryente sa ilan mga bansa sa Europa.
Kaugnay nito, tumaas din ang gugulin sa produksyon dahil sa pagtaas ng presyo ng enerhiya.
Ano ang dapat natin gawin?
Sa harap ng mga lumalalang krisis, ano ang dapat natin gawin? May dalawang pagpipilian: una, pagpapasulong ng mapayapang talastasan at pagsasanggunian; at pangalawa, pagpukaw ng mas matinding alitan at sagupaan?
Pinili ng Amerika ang pangalawa.
Ayon kay Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, simula nang manungkulan si Pangulong Joe Biden, ibinigay ng Amerika ang saklolong militar na may kabuuang halagang halos USD$21.9 bilyon sa Ukraine.
Ito ay nagpalala sa sagupaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine, at siyempre, nagbigay ng malaking kita sa mga negosyante ng armas sa Amerika.
Bukod pa riyan, sa kabila ng mariing pagtutol at solemnang representasyon ng Tsina, dumalaw noong Agosto 2022 si Nancy Pelosi, Tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Amerika, sa rehiyong Taiwan ng Tsina, upang subukang guluhin ang kaayusan sa Silangang Asya.
Sa panahon ding iyon, pinagtibay ng Amerika ang CHIPS and Science Act, upang ilagay ang balakid sa pag-unlad ng industriya ng semiconductor ng ibang mga bansang kinabibilangan ng Tsina, at palakasin ang bentahe ng Amerika sa industriya ng pagyari ng chips.
Maliban sa puwersang militar at hegemonya, wala bang ibang solusyon para malutas ang mga problema sa ating mundo?
Sa kabilang banda, pinili naman ng mga bansang naghahangad ng kapayapaan, kinabibilangan ng Tsina ang opsyon ng “win-win na kooperasyon.”
Sapul nang umiral ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) noong Enero 1, 2022, epektibong pinasusulong ng malayang kalakalan ang negosyo at kooperasyon sa Asya at iba pang rehiyon sa daigdig.
Ito’y nagdudulot ng malaking benepisyo sa mga miyembrong bansang kinabibilangan ng mauunlad na bansa, umuunlad na bansa at pinaka-di-maunlad na bansa.
Sa tulong ng mga kompanyang Tsino na gaya ng Huawei Technologies Co. Ltd, matagumpay na inilunsad ang commercial 5G network sa mga bansang kinabibilangan ng Timog Aprika, Zimbabwe, Zambia, Nigeria at iba pa – bagay na sama-samang magpapasulong ng didyital na ekonomiya, magpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, at magsasakatuparan ng modernisasyon.
Ang pagbubukas, kooperasyon at toleransya ay tunguhin at agos ng panahon na hindi maaaring baligtarin.
Dapat natin solusyunan ang alitan sa pamamagitan ng mapayapang talastasan sa halip ng sagupaan, at isakatuparan ang win-win na situwasyon sa kompetisyon sa pamamagitan ng kooperasyon sa halip ng paglalabanan.
Sa ganitong paraan lamang, mapagtatagumpayan ng sangkatauhan ang mga krisis at hamon, at patuloy na umunlad tungo sa pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Salin: Kulas
Pulido: Rhio