Xi Jinping at Vladimir Putin, nag-usap: kooperasyong Sino-Ruso, palalakasin sa bagong taon

2022-12-31 20:32:47  CMG
Share with:

 

Sa kanilang pagtatagpo sa pamamagitan ng video link kahapon, Disyembre 30, 2022, ipinahayag nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang bating pambagong taon sa isa’t-isa at sa kani-kanilang mga mamamayan.

 

Sinabi ni Xi, na maganda ang kooperasyon ng Tsina at Rusya sa iba’t-ibang aspekto’t antas ngayong 2022, at kailangang ibayo pang pasulungin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, enerhiya, pinansya, agrikultura, at iba pa.

 

Nararapat din aniyang palakasin ng Tsina at Rusya ang koordinasyon sa pagtutol sa unilateralismo, proteksyonismo, at hegemonismo; pagtatanggol sa soberanya, katiwasayan, at kapakanang pangkaunlaran ng dalawang bansa; at pangangalaga sa pagkakapantay-pantay at katarungan ng daigdig.

 

Pagdating naman sa krisis ng Ukraine, tinukoy ni Xi, na kahit may mga sagabal, ang talastasan ay magreresulta sa kapayapaan, at hindi dapat itakwil ang pagsisikap para malutas ang sagupaan sa pamamagitan ng talastasang diplomatiko.

Patuloy aniyang gaganapin ng Tsina ang konstruktibong papel, para sa mapayapang paglutas ng naturang krisis.

 

Ipinahayag naman ni Putin, na layon ng pagtatagpong ito na lagumin ang bunga ng relasyong Ruso-Sino sa kasalukuyang taon, at planuhin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa bagong taon.

 

Nakahanda aniya ang Rusya, kasama ng Tsina, na palakasin ang pagpapalagayan at pasulungin ang kooperasyon sa iba’t-ibang aspekto.

 

Kailangan din aniyang isulong ng Rusya at Tsina ang koordinasyon sa mga multilateral na plataporma, para buuin ang mas makatarungan at makatuwirang kaayusang pandaigdig, at ipagtanggol ang mga lehitimong kapakanan ng dalawang bansa.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan