Pinanguluhan kahapon, Enero 25, 2022 sa Beijing ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang virtual summit bilang pagdiriwang sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at 5 bansa ng Gitnang Asya (Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tajikistan, Turkmenistan, at Uzbekistan).
Saad ni Xi, ang susi sa matagumpay na kooperasyon ng Tsina at nasabing 5 bansa nitong nagdaang 30 taon ay ang paggigit sa paggagalangan, pagkakaibigan, pagtutulungan, mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta.
Diin niya, buong tatag na kinakatigan ng panig Tsino ang pagtahak ng mga bansa ng Gitnang Asya sa landas ng pag-unlad na angkop sa kanilang aktuwal na kalagayan.
Sinusuportahan din aniya ng Tsina ang pagtatanggol ng iba’t-ibang bansa sa kanilang soberanya, pagsasarili, at kabuuan ng teritoryo, at kinakatigan ang pagpapatingkad ng kanilang mas malaking papel sa arenang pandaigdig.
Saad ni Xi, nakahanda ang panig Tsino na makipagtulungan sa nabanggit na limang bansa upang magkakasamang maitayo ang mas kohesibong komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan.
Pawang inihayag naman ng mga lider ng limang bansa ang kahandaang gawing bagong simula ang ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang relasyong diplomatiko sa Tsina; magkakasamang itatag ang estratehikong partnership na may mayamang nilalaman, masaganang bunga, at pangmalayuang pagkakaibigan; at buuin ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Gitnang Asya at Tsina, at ng buong sangkatauhan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio