Bubuksan sa Beijing sa ika-5 ng Marso, 2022 ang ika-5 sesyon ng Ika-13 ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, samantalang sisimulan naman sa ika-4 ng Marso ang ika-5 sesyon ng Ika-13 Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC).
Hinggil dito, ipinatalastas ngayong araw ng mga tanggapan ng NPC at CPPCC na welkam na magkober sa dalawang kaganapan ang mga mamamahayag na Tsino’t dayuhan na angkop sa kaukulang kahilingan ng pagpigil at pagkontrol sa pandemiya.
Batay sa bukas at maliwanag na diwa, ipagkakaloob ng mga sesyon ang serbisyo para sa pagkokober ng mga mamamahayag, ayon pa sa patalastas.
Anito pa, inaanyayahan ang mga mamamahayag na Tsino’t dayuhan sa Beijing na magsagawa ng mga panayam, sa pamamagitan ng online, virtual at nakasulat na paraan.
Samantala, dahil sa masalimuot at komplikadong kalagayan ng pandemiya sa buong mundo, binigyang-diin ng patalastas na hindi aanyayahan ang mga mamamahayag mula sa ibayong dagat.
Salin: Vera
Pulido: Rhio