Ang taunang Dalawang Sesyon ng Tsina ay nakatawag ng pansin ng daigdig dahil hindi lamang ito nagpapakita ng tunguhin ng mga patakaran ng Tsina, kundi isa ring bintana upang maunawaan ang hinggil sa praktika ng bansa sa demokrasya.
Sa taong ito, halos 3,000 kinatawan ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), punong lehislatura ng bansa at mahigit 2,000 miyembro ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), pinakamataas na organong tagapayo ng Tsina ang kalahok sa Dalawang Sesyon, para talakayin ang hinggil sa mga mungkahi at mosyong may kinalaman sa pambansang plano para sa susunod na 5 hanggang 15 taon.
Ang Dalawang Sesyon na tinatawag na Liang Hui sa wikang Tsino ay tumutukoy sa sesyon ng NPC at sesyon ng CPPCC.
Ang Dalawang Sesyon ay katumbas ng State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ng Pilipinas na dinadaluhan ng magkasanib na kapulungan ng Kamara de Representantes at Senado.
Anong demokrasya ang itinuturing na mabuting demokrasya? Ang tanong na ito ay kaagapay sa buong proseso ng pag-unlad ng lipunan ng sangkatauhan.
Base sa katotohanan, ang sistemang demokratikong naka-ugat at nababagay sa kalagayan ng bansa ay ang pinakamaaasahan at mabisa.
Kung Liang Hui ang gagawing ehemplo ng demokrasyang Tsino, matutuklasan na ang katangian ng sosyalistang demokrasya ng Tsina ay ang mga mamamayan ang namamahala sa sariling bansa.
Mabisa at patuloy na tumitingkad ang papel na ito sa proseso ng modernisasyon ng sistema ng pangangasiwa ng bansa.
Ang mga miyembro ng NPC at CPPCC na kumakatawan sa 1.4 bilyong mamamayang Tsino ay binubuo ng mga opisyales, mangangalakal, guro, siyentista, trabahador, at magsasaka, mula sa lahat ng sektor ng lipunan.
Bunga nito, ang mga pinahahalagahan at ikinababala ng buong lipunan ay maaaring ihain sa pinakamahalagang plataporma ng pagsasanggunian hinggil sa mga patakaran at pagpa-plano ng bansa.
Kapansin-pansin na sa ilalim ng demokrasyang Tsino, ang lahat ng mga batas at patakaran ay bunga ng proseso ng siyentipiko at demokratikong kapasiyahan, alinsunod sa mga prosidyur at alituntunin.
Sa Liang Hui sa taong ito mula Marso 4 hanggang Marso 11, ayon sa mga kuru-kuro ng mga miyembro ng NPC at CPPCC, 81 amiyenda ang gagawin sa 2021 Government Work Report, at 55 rebisa naman ang para sa Ika-14 na Panlimahang Taong Pambansang Plano (2021-2025) at Long-Range Objectives Through the Year 2035.
Sa ilalim ng demokrasyang Tsino, ang mga komong palagay mula sa iba’t ibang sektor ay pinagsasama-sama at hinuhubog bilang patakaran, tungo sa ikabubuti ng sambayanang Tsino.
Ang demokrasiyang Tsino ay isa sa mga pangunahing sagot sa tanong kung bakit napapanatili ng Tsina ang mabilis na pag-unlad ng kabuhayan at naisusulong ang pangmatagalang katatagang panlipunan.
Ang demokratikong sistemang pulitikal ng Tsina na nagpapakita ng hangarin ng mga mamamayan, nagkakaloob ng garantiya sa karapatan at interes ng mga mamamayan at sinusuportahan ng mga mamamayan, ay ugat at kompiyansa ng pag-unlad ng Tsina.
Pinalalawak din nito ang landas ng paghahanap ng demokrasya ng sangkatauhan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio