Kaugnay ng pag-aproba kamakailan ng Amerika sa planong pagbebenta ng sandatang nagkakahalaga ng $USD 100 milyon sa Taiwan, inihayag kahapon, Pebrero 8, 2022 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito ay malubhang lumalabag sa simulaing Isang Tsina at mga tadhana ng Tatlong Magkasanib na Komunike ng Tsina at Amerika, lalong lalo na, sa mga tadhana ng August 17 Communiqué.
Ito aniya ay grabeng nakakapinsala, hindi lamang sa soberanya at kapakanang panseguridad ng Tsina, pati na rin sa relasyong Sino-Amerikano at kapayapaa’t katatagan ng Taiwan Straits.
Buong tatag itong tinututulan at mariing kinokondena ng panig Tsino, dagdag niya.
Hinimok ni Zhao ang panig Amerikano na agarang ibasura ang nasabing plano, itigil ang pagbebenta ng sandata, at putulin ang pakikipag-ugnayang militar sa Taiwan.
Diin niya, tiyak na isasagawa ng panig Tsino ang lehitimo’t mabisang hakbangin, para ipagtanggol ang sariling soberanya at kapakanang panseguridad.
Salin: Vera
Pulido: Rhio