Kaugnay ng plano ng arms sale ng Amerika sa Taiwan na nagkakahalaga ng 100 milyong dolyares, inihayag kahapon, Pebrero 21, 2022 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na upang mapangalagaan ang soberanya at kapakanang panseguridad ng bansa, ipinasiya ng pamahalaang Tsino na isagawa ang mga ganting hakbangin laban sa Raytheon Technologies Corporation at Lockheed Martin Corporation, dalawang kompanya ng industriyang militar ng Amerika na kasali sa pagbebenta ng sandata sa Taiwan nitong nakalipas na mahabang panahon.
Muli niyang hinimok ang pamahalaang Amerikano at kaukulang panig na sundin ang simulaing Isang Tsina at mga tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, at itigil ang pagbebenta ng sandata sa Taiwan at ugnayang militar ng Amerika at Taiwan.
Ayon sa pagsulong ng kalagayan, patuloy na isasagawa ng panig Tsino ang lahat ng mga kinakailangang hakbangin, para ipagtanggol ang sariling soberanya at kapakanang panseguridad, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Rhio