Binuksan nitong Sabado, Marso 5, 2022 ang taunang pulong ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC).
Sa Government Work Report ni Premyer Li Keqiang, sinabi niyang naisakatuparan ng bansa ang plano sa pangunahing gawain sa kasalukuyang taon. Dagdag pa riyan, dapat aniyang ilagay sa mas namumukod na posisyon ang pagpapatatag ng paglaki ng pambansang kabuhayan.
Noong isang taon, sa kabila ng napakaraming panganib at hamon, napanumbalik pa rin ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino na umabot sa kabuuang bolyum na 114.4 trilyong yuan RMB.
Ito ay mas malaki ng mga 3 trilyong dolyares kumpara sa taong 2020 na naging bagong rekord sa kasaysayan ng pag-unlad ng kabuhayan sa buong daigdig.
Pero, dahil sa pagpapatuloy hanggang ngayon ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nagiging mas masalimuot at di-matatag ang kapaligirang panlabas, kaya nahaharap ang paglaki ng kabuhayang Tsino sa napakalaking presyur.
Sa kalagayang ito, itinakda ng Tsina sa mga 5.5% ang target ng paglaki ng Kabuuang Halaga ng Produksyong Panloob (GDP) ng bansa sa taong 2022.
Ginawa ang layuning ito makaraang lubos na isaalang-alang ang situwasyong panloob at panlabas na kinakaharap ng kabuhayang Tsino. Naaangkop din ito sa aktuwal na kalagayan ng operasyong pangkabuhayan, at nagpapakita ng “pagpapauna ng matatag na paglaki.”
Bukod sa inaasahang paglaki ng kabuhayan, kabilang sa mga pangunahing hangarin sa kasalukuyang taon, na nakasaaad sa naturang Government Work Report, ay pagdaragdag ng mahigit 11 milyong trabaho sa mga lunsod at bayan, pagkontrol sa 5.5% ng unemployment rate sa mga lunsod at bayan sa buong taon, pagkontrol sa mga 3% ng Consumer Price Index (CPI), at iba pa. Ang mga ito ay pawang ipinasya alinsunod sa “matatag na paglaki.”
Bukod dito, patuloy na palalawakin ng Tsina sa kasalukuyang taon ang pagbubukas sa labas, at patuloy na pabubutihin ang kapaligirang pangnegosyo para maakit ang mas maraming pamumuhunan.
Ang bukas na malaking merkadong Tsino ay hindi lamang papasukin ng mas maraming pamumuhunan, kundi magkakaloob din ng pagkakataon para sa pag-unlad ng mga dayuhang kompanya sa Tsina.
Bilang ikalawang pinakamalaking ekonomiya, kasabay ng pagsasakatuparan ng taunang hangarin ng pag-unlad, tiyak na maibibigay ng Tsina ang ambag para sa pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig at ang kabuhayang Tsino ay mananatiling “matatag na puwersa” para sa kabuhayang pandaigdig.
Salin: Lito
Pulido: Rhio