Nag-usap sa telepono nitong Sabado, Marso 5, 2022 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika.
Ipinahayag ni Wang na ilan sa mga pananalita at hakbang kamakailan ng panig Amerikano ay taliwas sa narating na komong palagay sa video meeting ng mga lider ng dalawang bansa. Nababahala aniya ang panig Tsino tungkol dito.
Ani Wang, ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryo ng Tsina, at ang mga suliranin ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina.
Dapat itigil ng panig Amerikano ang panunulsol at suporta sa mga puwersang naninindigan sa pagsasarili ng Taiwan, at itigil ang panghihimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina para pangalagaan ang pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Amerikano sa aktuwal na aksyon, diin ni Wang.
Samantala, nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig tungkol sa isyu ng Ukraine.
Ipinagbigay-alam ni Blinken ang posisyon at paninindigan ng panig Amerikano tungkol sa kasalukuyang situwasyon ng Ukraine.
Ani Wang, ipinalalagay ng panig Tsino na ang paglutas sa krisis ng Ukraine ay dapat umayon sa layunin at prinsipyo ng United Nations (UN) Charter. Una, dapat igalang at igarantiya ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng iba’’t-ibang bansa; ikalawa, dapat lutasin ang hidwaan sa mapayapang paraan.
Dagdag pa niya na sinusuportahan ng panig Tsino ang anumang pagsisikap na nakakatulong sa pagpapahupa ng situwasyon at kalutasang pulitikal sa isyung ito.
Salin: Lito
Pulido: Rhio