Ano kaya ang magiging epekto ng papalapit na halalang pampanguluhan ng Pilipinas sa kooperasyon ng Tsina at Pilipinas?
Idinaos Marso 19, 2022 ng Commission on Elections (Comelec) ang unang debatehan ng mga kandidato sa pagkapangulo. Ayon sa sagot ng mga kandidato hinggil sa tanong na “anong sektor ang dapat unang palakasin upang mapabilis ang pag-ahon ng ekonomiya ng Pilipinas,” makikitang napakalaki ang espasyo ng kooperasyon ng Tsina at Pilipinas sa hinaharap.
Tulad ng dati, hindi dumalo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nasabing debatehan, samantalang sa sagot ng iba pang kandidato na kinabibilangan nina Vice President Leni Robredo at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ay mapupulsuhan ang direksyon ng pag-unlad ng Pilipinas sa hinaharap.
Kaugnay nito, 4 na kandidatong kinabibilangan ni Mayor Moreno ang pumili sa agrikultura bilang unang sektor na kailangang pagtuunan ng pansin para mapabilis ang pag-ahon ng ekonomiya ng bansa, samantalang ang iba pang dalawa na kinabibilangan ni VP Leni ay pinili ang sektor ng maliliit at katam-tamang bahay-kalakal (SMEs).
Sa kasalukuyan, halos 10% ng kabuuang bolyum ng bigas ng Pilipinas ay ina-angkat mula sa ibang bansa – ibig saibhin, kinakaharap pa rin ng Pilipinas ang hamon sa seguridad ng pagkain.
Sa kabilang dako, para sa Tsina na may higit 1.4 na bilyong populasyon, ang pangangailangan sa pagkain ng mga mamamayan ay palagiang isang malaking presyur para sa pamahalaan.
Gayunpaman, ang output ng pagkaing-butil ng bansa ay sapat para sa pangangailangan ng mga Tsino. Ang susi ay pag-unlad ng teknolohiya, at magandang halimbawa ang teknolohiya ng hybrid na palay na idinebelop ni Ginoong Yuan Longping. Ang teknohiyang ito ay malaking nagpapataas sa output ng palay sa Tsina.
Sapul noong 1990’s, maraming beses bumisita sa Pilipinas si Ginoong Yuan, para sa pagsasaliksik ng hybrid na palay na angkop sa kapaligirang lokal at pagpapalaganap ng teknolohiya ng hybrid na palay sa bansa.
Bilang resulta, ang kasalukuyang pinakamataas na output ng hybrid na palay kada ektarya sa Pilipinas ay umaabot sa 15 tonelada. Magkagayunman, ang bukiring taniman ng hybrid na palay sa Pilipinas ay katumbas lamang ng 10 % ng kabuuang saklaw ng mga bukirin sa buong bansa.
Sa madaling salita, ang pagpapalawak ng saklaw ng taniman ng hybrid na palay ay isang magandang solusyon para malutas ang problema ng suplay ng bigas. Bukod pa riyan, ang pagtaas ng output ng palay ay magpapataas din ng kita ng mga magsasaka. Sa pangmalayuang pananaw, ang pagpapalaganap ng teknolohiya ng hybrid na palay ay makakatulong sa pag-unlad ng teknolohiyang agrikultural sa Pilipinas.
Dahil ang Tsina ay bansang may modernong teknolohiya ng hybrid na palay, maari nitong patuloy na ibahagi sa Pilipinas ang mga tulong at mayamang karanasan hinggil dito.
Noong 2000, magkasamang itinatag ng mga pamahalaan ng Tsina at Pilipinas ang Philippine-Sino Center for Agricultural Technology (PhilSCAT) na nakabase sa Central Luzon State University (CLSU). Tampok sa kooperatibong proyektong ito ang hybrid na palay, mekanisasyong agrikultural at teknolohiyang biogas.
Hanggang noong 2021, pagkaraan ng dalawang dekadang pag-unlad, mga 226,500 ektaryang komersyal na hybrid na palay ang itinanim sa Pilipinas, sa ilalim ng naturang programa. Bunga nito, tumaas ng 308,000 tonelada ang output ng palay, at 134,000 magsasakang Pilipino ang nakinabang dito. .
Walang duda, mahalaga rin ang mga SME para sa Pilipinas.
Makikita ang ambag nito sa paglaki ng GDP ng bansa, at pagkaloob ng pagkakataon ng hanap-buhay sa mga karaniwang Pilipino. Halimbawa, ang kabuuang bilang ng mga SME ng Pilipinas ay katumbas ng 99.5% ng kabuuang bilang mga kompanya ng bansa. Ang halagang nalikha ng mga SME ay katumbas ng halos 28% ng GDP ng Pilipinas.
Upang lalo pang umunlad ang mga SME, napakahalaga ng tulong ng pamahalaan, at sapat na pangangailangan ng pamilihan, lokal at internasyonal.
Dahil sa globalisasyon ng kabuhayan, naging napakahalaga ng pangangailangan ng pamilihang Tsino sa mga produkto ng Pilipinas. Ayon sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), ang Tsina ay ang pinakamalaking trade partner ng Pilipinas. Ito rin ay mahalagang destinasyon ng mga produktong agrikultural, produkto ng pagmimina, produktong elektroniks at produkto ng manupaktura.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mga plataporma na gaya ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN (CAFTA), at China International Import Expo (CIIE) para pasulungin ang kalakalan ng Tsina at Pilipinas. Ayon sa datos ng DTI, umabot sa US$ 597.34 milyon ang onsite export sales ng Pilipinas sa Ika-4 na CIIE na idinaos sa Shanghai, Tsina noong Nobyembre ng 2021. Ang bilang na ito ay lumaki ng 29.3% kumpara sa taong 2020. Samantala, 40 kompanyang Pilipino ang lumahok sa ika-4 na CIIE, at karamihan sa mga ito ay mga SME. Ang Pilipinas ay kasali sa lahat ng 4 na CIIE at walang-patid na tumaas ang kitang natamo ng delegasyong Pilipino mula sa una hanggang ika-4 na CIIE.
Bukod pa riyan, ang Tsina at Pilipinas ay pawang kasaping bansa ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Kung maayos at mabisang masasamantala ng Pilipinas ang nasabing mga plataporma, siguradong makakapasok sa pamilihang Tsino ang mas maraming produktong yari ng Pilipinas.
Hindi lamang saging, langis ng niyog, pinatuyong mangga, abokado, at tsitsirya ang mabibigyan ng pagkakataon, kundi maging ang mga handicraft na hitik ng kulturang Pilipino, kape, at mga ginintuang perlas ay makakapasok sa merkadong Tsino.
Kahit may bagong pangulo ang Pilipinas bawat 6 na taon, palagiang karatig-bansa ng Pilipinas ang Tsina. Naniniwala kaming magiging mas maunlad ang kinabukasan ng kooperasyon ng Tsina at Pilipinas sa hinaharap.
Sulat: Ernest
Pulido: Rhio/Jade