Batay sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA), naging mainam ang pag-unlad ng kabuhayan ng bansa noong 2021. Sa katunayan, umabot sa 7.7% ang paglaki ng GDP sa ika-4 na kuwarter ng 2021, samantalang ang bahagdan naman ng paglaki ng GDP sa buong taon ay 5.6%. Ipinakikita nitong unti-unting bumabangon ang kabuhayan ng Pilipinas mula sa epekto ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panganib ng COVID-19 sa buong daigdig, at kinahaharap ng ekonomiya ng Pilipinas ang iba pang mga hamon. Halimbawa, ang sagupaan sa Ukraine ay nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, na nagpapataw ng malaking presyur sa kabuhayan Pilipinas at pamumuhay ng mga Pilipino.
Gayunpaman, ano ang mahalagang puwersa para sa sustenableng pag-unlad ng kabuhayan ng Pilipinas sa hinaharap?
Sa virtual event noong katapusan ng 2021 hinggil sa estratehiya at mga programa ng pamahalaang Pilipino para itaguyod ang post-pandemic recovery ng bansa, sinabi ni Kalihim Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI) na, sa kabila ng epekto ng pandemiya ng COVID-19, patuloy ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas. At katuwang ng bansa, ang rehiyon ng Asya, na kinabibilangan ng Tsina.
Sa kanyang government work report (katumbas ng State-of-the-Nation Address ng Pilipinas), Marso 5, 2022 sa Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, inilahad ni Premyer Li Keqiang, na lumaki nang 8.1% nitong nagdaang 2021 ang GDP ng Tsina kumpara noong 2020.
Ito’y maituturing na magandang senyal para sa kabuhayang panrehiyon at pandaigdig. Dahil dito, ang Tsina ay masasabing isang makina ng pagkakataon ng pag-unlad, para sa mga karatig na bansa at komunidad ng daigdig.
Sa katotohanan, lumobo nang malaki ang negosyo sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, at mas maraming produktong Pilipino ang pumapasok sa pamilihang Tsino. Ayon sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Disyembre 2021, ang Chinese mainland at Hong Kong ang pinakamalaking destinasyon ng mga produktong Pilipino. Kaugnay ito, 28.5% ng kabuuang bolyum ng pagluluwas ng Pilipinas ay napunta sa Chinese mainland at Hong Kong sa nabanggit na panahon. Sa buong 2021, ang kabuuang halaga ng pagluluwas ng Pilipinas sa Chinese mainland at Hong Kong ay halos USD$21.5 bilyon: ito ay mas malaki kaysa sa bolyum ng pagluluwas ng Pilipinas sa Amerika na nagkakahalaga lamang ng USD$11.5 bilyon.
Batay pa rin sa nasabing work report ni Premyer Li, patuloy na bubuksan ang pamilihang Tsino sa ibayong dagat at pasusulungin ang kalakalang panlabas. Halimbawa, palalakasin ng Tsina ang transnasyonal na e-commerce, palalawakin ang pag-aangkat ng mga paninda at serbisyo, at padadaliin ang proseso ng pagpasok ng mga dayuhang produkto sa merkadong Tsino. Ang mga ito ay hindi lamang positibong senyales para sa mga produkto ng Pilipinas, kundi magkakaloob din ng aktuwal na paraan sa pagpasok ng mga produktong Pilipino sa pamilihang Tsino.
Sa kabilang dako, ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay magiging bagong pagkakataon para sa mga bahay-kalakal ng Pilipinas upang makinabang sa pamilihang Tsino.
Sa taong 2022, ipinahayag ni Premyer Li na dapat ibayo pang pasulungin ang Belt and Road Initiative (BRI), na makakatulong nang malaki sa domestikong kabuhayan ng Pilipinas.
Kaugnay nito, ang “Bulid Build Build” ay mahalagang patakaran ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapasulong ang imprastruktura at kabuhayan ng Pilipinas. Sa ilalim ng balangkas ng BRI at “Bulid Build Build,” natamo ng dalawang bansa ang mga bunga sa konstruksyon ng imprasturktura, na gaya ng Tulay ng Estrella-Pantaleon, Tulay ng Binondo-Intramuros, Proyekto ng Patubig sa Ilog Chico, at iba pa. Ang mga proyektong ito ay hindi lamang nakakabuti sa kabuhayan at pamumuhay ng mga residenteng lokal, kundi nakalikha rin ng mga pagkakataon ng hanap-buhay para sa nakararaming Pilipino.
Sa darating na Mayo, maihahalal ang bagong pangulo sa Pilipinas. Sa katatapos na pampanguluhang debatehan, na idinaos ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), itinampok ng mga kandidato ang kanilang mga plataporma sa pag-unlad ng pambansang kabuhayan, lalo na sa larangan ng konstruksyon ng imprastruktura. Ang mga ito ay mabuti dahil sa malaking nakatagong lakas ng kooperasyon ng Tsina at Pilipinas sa imprastruktura.
Samantala, mahalaga rin ang industriya ng turismo sa kabuhayan ng Pilipinas. Dito nagmumula ang halos 10% ng kabuuang GDP ng Pilipinas. Ang turismo ay may-kaugnayan sa maraming industriyang gaya ng imprastruktura, transportasyon, hotel, serbisyo at retail. Sa kasalukuyan, binuksan na ng Pilipinas ang turismo ng bansa, kapuwa para sa mga lokal at dayuhang turista. Nakikita ngayon sa mga baybaying dagat ang mga turistang galing sa Amerika, Europa, Hapon at Timog Korea.
Sa katotohanan, bago sumiklab ang COVID-19, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking bansang pinagmumulan ng mga turista ng Pilipinas. Kasunod ng pagbubukas ng Pilipinas sa mga dayuhang turista, siguradong muling ipagkakaloob ng mga turistang Tsino ang malaking benepisyo sa kabuhayan ng Pilipinas.
Samantala, binanggit din ni Premyer Li, na dapat dagdagan ang kita ng mga mamamayang Tsino at pabutihin ang kanilang pamumuhay sa 2022. Ibig-sabihin, magkakaroon ng mas maraming pera ang mga Tsino na maaari nilang gastahin sa turismo at paglilibang.
Ang Pilipinas ay mayroong napakaraming magagandang lugar-panturista, ang mga Pinoy ay kilala sa primera klaseng serbisyo at mainit na pagtanggap ng bisita, at ang bansa ay may mayaman at makulay na kultura; kaya naman ang Pilipinas ay siguradong magiging pinakapopular na destinasyon ng mga turistang Tsino sa taong 2022.
Sulat: Ernest
Pulido: Rhio/Jade