Kung titingnan sa mapa, malayo ang Pilipinas sa Ukraine, pero ang mga nagaganap sa bansang ito ay nakaka-apekto, hindi lamang sa pamumuhay ng mga Pinoy, kundi sa kabuhayan ng Pilipinas.
Sinabi kamakailan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) na 54 na Pilipinong mandaragat o seafarer ang napilitang bumalik sa Pilipinas Marso 14, 2022 dahil sa kaguluhan sa Ukraine. Pero hindi ito ang kumpletong bilang ng mga Pilipinong seafarer na apektado ng kalagayan sa naturang bansa.
Nauna rito, 247 na iba pa ang inilikas ng pamahalaan ng Pilipinas mula sa Ukraine. Ayon sa DFA, posibleng magkaroon pa repatriyasyon para sa mga natitirang seafarer.
Bukod sa mga seafarer, mayroon ding mga Pilipino at kanilang mga ka-anak na napilitang bumalik sa Pilipinas dahil sa kaguluhan.
Samantala, ang sagupaan ay nagdulot din ng mga isyung dapat ikabahala ng komunidad ng daigdig, gaya ng mga usaping may-kinalaman sa mga biyolohikal na laboratoryo ng Ukraine na pinondohan ng Pentagon ng Amerika.
Batay sa dokumentong isinumite ng Amerika sa komperensya ng mga signataryong bansa ng Biological Weapons Convention (BWC), mayroon itong mga pasilidad na pangkooperasyon sa Ukraine na kinabibilangan ng 26 na laboratoryo.
Inilantad kamakailan ng Rusya ang mga layunin ng pananaliksik ng Amerika sa mga laboratoryong biyolohikal sa Ukranie. Halimbawa, ay “UP-4 Project,” kung saan pinag-aaralan ang posibilidad ng pagkalat ng mga avian virus sa pamamagitan ng mga migranteng ibon; “R-781 Project,” kung saan itinuturing ang paniki bilang tagapagdala o carrier ng mga pathogen na maaaring manghawa sa tao; at “UP-8 Project,” kung saan sinasaliksik ang tungkol sa Congo-Crimean Hemorrhagic Fever Virus at mga Hantavirus.
Tulad ng inaasahan, mariing itinanggi ng panig Amerikano ang katotohanan sa nabanggit na mga pananaliksik. Pero base sa sentido-komon, imposibleng pansibilyan lamang ang layon ng isinagawang pananaliksik ng panig militar ng Amerika sa naturang mga laboratoryo.
Sa kabilang dako, ang anumang sagupaan ay nakakapinsala sa kaligtasan at ari-arian, at hindi maaaring maiwasan ang kapahamakan ng mga mamamayan. Kahit sa mga pelikula na may mga superhero na gaya nina Captain America, Superman, at Iron Man, suliranin pa rin ang muling pagtatayo ng mga gumuhong gusali, kompensasyon para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at muling pagbangon ng kabuhayan matapos nilang mailigtas ang buong daigdig mula sa mga kalaban.
Sa realistikong daigdig, ang pagpapanumbalik sa kapayapaan ay nakakabuti sa kapuwa Ukraine at Rusya. Para sa mga Pilipinong namumuhay at nagtatrabaho sa Ukraine, ang kapayapaan ay nangangahulugang pagbalik sa normal ng kanilang pamumuhay.
Bukod pa riyan, ang sigalot ng Ukraine at Rusya ay nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pamilihang pandaigdig, na siya namang nagpapataas ng presyo ng petroloyo at pangunahing bilihin sa Pilipinas.
Sa pahayag Marso 14, 2022 ng Kagawaran ng Enerhiya (DoE), kung patuloy na tataas ang presyo ng langis sa pamilihang pandaigdig, magiging rekord sa kasaysayan ang pagtaas din ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, sinabi ni House Deputy Minority Leader Stella Quimbo, na dahil sa nasabing pagtaas ng presyo ng langis, ang isang PUJ (public utility jeepney) driver, na gumagamit ng 25 litro kada araw at pumapasada sa loob ng 24 araw ay nagkakaroon ng karagdagang gastusin na nagkakahalaga ng Php11,880 kada buwan. Aniya, magmula noong Pebrero 21, 2022, tumaas ng 17.8% ang presyo ng gasolina, 26.8% ang kerosene, at 35.6% ang diesel.
Bukod dito, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay nakakaapekto rin sa pamumuhay ng mga mangingisda. Hinggil dito, idinaos kamakailan ng grupo ng mga mangingisda na PAMALAKAYA ang “tigil-palaot” bilang protesta sa pagtaas ng presyo ng langis. Ayon sa pahayag ng PAMALAKAYA, 80% ng kita mula sa kanilang pangingisda ay napupunta lamang sa pagbili ng langis.
Kaya, maliwanag na ang mapayapang paglutas sa krisis ng Ukraine ay nakakatulong sa kabuhayan ng Pilipinas at pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, idinaraos ng Ukraine at Rusya ang ika-4 na round ng talastasan. Ipinahayag nitong Martes, Marso 15, 2022 ni Mykhailo Podolyak, Presidential Advisor at Kinatawan ng Ukraine sa talastasan, na kahit hindi pa nawawala ang mga pundamental na pagkakaiba sa pagitan ng dalawang bansa, mayroon pa ring espasyo para sa pagsasanggunian.
Ang paglutas sa krisis ng Ukraine sa pamamagitan ng talastasang pangkapayapaan ay komong-palagay ng komunidad ng daigdig.
Noong virtual summit na idinaos Marso 8, 2022 sa Beijing sa pagitan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya at Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya, tinukoy ni Xi na dapat igalang ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng iba’t-ibang bansa, sundin ang prinsipyo at diwa ng Karte ng UN, pahalagahan ang makatuwirang pagkabahala ng iba’t-ibang bansa, at suportahan ang lahat ng pagsisikap na makakabuti sa mapayapang paglutas ng krisis.
Kapuwa naman ipinahayag nina Macron at Scholz na kinakatigan nila ang paglutas sa isyu ng Ukraine sa pamamagitan ng talastasang pangkapayapaan.
Ang kapayapaan ay ang tanging landas para alisin ang mga pundamental at pangkasaysayang pagkakaiba sa pagitan ng Rusya at Ukraine, at bawasan ang kapinsalaang dulot ng sagupaan. Kaya dapat hanapin ang landas ng pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng talastasan.
Ayon sa ulat ng DFA, pinili ng ilang Pilipino na manatili sa Ukraine at doon na lamang hintayin ang pagtigil ng krisis. Nawa’y manatiling ligtas silang lahat, at sana’y maibalik na rin sa wakas ang inaasam-asam na kapayapaan sa Ukraine, sa lalong madaling panahon.
Sulat: Ernest
Pulido: Rhio/Jade