Kaugnay ng biomilitary activities na isinasagawa ng Amerika sa Ukraine at buong mundo, hinimok nitong Huwebes, Marso 24, 2022 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina ang panig Amerikano na gawin ang kapani-paniwalang paliwanag, at itigil ang solong paghadlang sa pagbuo ng Biological Weapon Convention (BWC) verification protocol.
Saad ni Wang, naging mainit kamakailan ang pagtalakay ng komunidad ng daigdig hinggil sa mga laboratoryong biolohikal ng Amerika sa Ukraine, at iniharap ang maraming duda. Pero maraming butas ang tugon ng panig Amerikano, at may lubos na katuwirang pagdudahan ito ng iba’t ibang panig.
Aniya, ikinababahala ng komunidad ng daigdig ang mga isyung gaya ng layunin ng pananaliksik ng nasabing mga bio labs, at kung isinagawa o hindi ng Amerika ang mga mapanganib na pananaliksik na ipinagbabawal sa loob ng Amerika sa mga laboratoryo sa Ukraine at ibang bansa.
Tinukoy ni Wang na ang pinakamagandang paraan ng pagpapaliwanag ay maging bukas sa pagsisiyasat ng komunidad ng daigdig.
Salin: Vera
Pulido: Mac