Mataas na antas na pakikipagpalitan sa Pilipinas, isusulong ng Tsina

2023-01-05 12:36:01  CMG
Share with:

 

Sa kanyang pakikipagtagpo Miyerkules, Enero 4, 2022 sa Beijing kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni Premyer Li Keqiang, na handang pabutihin ng Tsina ang mataas na antas na pakikipagpalitan sa Pilipinas.

 

Aniya, sa tulong ng Pilipinas, nais ng Tsina na pabutihin ang koordinasyon sa estratehiya ng pag-unlad; pasulungin ang kooperasyon sa imprastruktura, kabuhayan, at kalakalan; palawakin ang pag-aangkat ng mas maraming de-kalidad na produktong agrikultural mula sa Pilipinas; palakasin ang kooperasyon sa larangan ng bagong enerhiya, gaya ng pagtatayo ng mga imprastrukturang aani ng enerhiya ng hangin at araw; pagpapalakas ng pagpapalitang tao-sa-tao; at pagbangon ng turismo.

 

Saad pa ni Li, ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea (SCS) ay angkop sa kapakanan ng dalawang bansa at rehiyong Asya-Pasipiko.

 

Umaasa aniya siyang magtutulungan ang mga may-kinalamang bansa para mapabilis ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct sa SCS tungo sa pagtatayo ng isang mapayapa, mapagkaibigan at kooperatibong karagatan.

 

Samantala, tinawag naman ni Marcos Jr. ang Tsina bilang kapatid, kasama, at kaibigan ng Pilipinas.

 

Nais aniya ng Pilipinas na palalimin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan sa lahat ng antas, at magpupunyagi ang bansa upang pandayin ang matibay na ugnayan sa Tsina.

 

Ani Marcos Jr., kailangang magkaroon ng mas malakas na komunikasyon ang Pilipinas at Tsina upang mas mabuting maresolba ang mga isyung may-kinalaman sa SCS, at mapanatili ang kapayapaan at istabilidad ng relasyon ng dalawang bansa at rehiyong Asya-Pasipiko. 


Salin: Ernest

Pulido: Rhio