Kaugnay ng dalaw-pang-estado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tsina mula Enero 3 hanggang 5, 2023, ipinahayag ni Dr. Rommel Banlaoi, Presidente ng Philippines Society for Intelligence and Security Studies, Tagapangulo ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research, at Miyembro ng Board of Directors ng China-Southeast Asian Research Center in South China Sea, ang pag-asang mapapalakas ang ugnayang Pilipino-Sino.
Sa pamamagitan ng naturang pagdalaw, umaasa si Banlaoi, na itataas ng dalawang bansa ang komprehensibong estratehikong kooperasyon sa mas mataas na antas.
Aniya, kung tutuusin, naitatag na ng lahat ng miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang komprehensibong partnership sa Tsina, at ang Pilipinas na lamang ang tanging bansa sa ASEAN na hindi pa nakakagawa nito.
Kaya,iminumungkahi niyang isulong ang pagtatatag ng estratehikong partnership ng Pilipinas at Tsina.
Kaugnay ng pagtutulungang pangkabuhaya’t pangkalakalan, sinabi ni Banlaoi na maraming kahanga-hangang bunga ang nakamtan ng dalawang bansa.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang Tsina aniya ay nananatiling pinakamalaking trade partner, pinakamalaking pinagmumulan ng pag-aangkat, at ikalawang pinakamalaking destinasyon ng pagluluwas ng Pilipinas.
Bukod diyan, ang Tsina ay nangunguna rin sa mga bansang nagkakaloob ng Official Development Assistance (ODA) sa Pilipinas, dagdag niya.
Lubos na pinahahalagahan ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. ang agrikultura, at siya mismo ang Kalihim ng Agrikultura ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Banlaoi, na sapul nang itatag ng Pilipinas at Tsina ang relasyong diplomatiko noong 1975, ang agrikultura ay isa sa mga pinakamasiglang sektor ng kooperasyon.
Umaasa si Banlaoi na mapapanatili ni Pangulong Marcos Jr. ang mga benepisyo sa kooperasyong pang-agrikultura, lalo na sa panahong ito, kung kalian, talagang kailangan ng Pilipinas ang mas maraming suporta mula sa Tsina sa mga huwarang proseso sa pagpapabuti ng agrikultural na produktibidad at agrikultural na teknolohiya.
Dagdag niya, maraming matututuhan ang Pilipinas sa mahigit apat na dekadang repormang pang-ekonomiya ng Tsina, na nagresulta sa pag-ahon ng 800 milyong mamamayang Tsino mula sa ganap na kahirapan.
"Sa pamamagitan ng inobasyong agrikultural, sumasailalim sa patuloy na industriyalisasyon ang Tsina, ito ay humantong sa tinatawag nating himalang pang-ekonomiya, kung saan umahon mula sa ganap na kahirapan ang hindi bababa sa 800 milyong mamamayan. At para sa akin, iyon ay isang mahusay na serbisyo sa mundo at sa sangkatauhan,” saad niya.
Iginiit pa Banlaoi, na ang pagpapalakas ng pagpapalitang tao-sa-tao at kooperasyong panturismo ay magpapasulong ng panlahat na relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Inulit din niyang kailangang itaguyod ang pagsasakatuparan ng estratehikong partnership ng Pilipinas at Tsina, upang matiyak ang higit na pagpapatupad ng mga napagkasunduan ng dalawang bansa.
Ulat: Jade/Mike
Panayam: Mike
Pulido: Rhio
Larawan: Ernest
Dr. Rommel Banlaoi: Partido Komunista ng Tsina, mas creative, innovative at mas engaging ngayon
Dr. Rommel Banlaoi: Pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas, sana'y hindi matinag
PBBM, nasa Beijing: makikipag-usap kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina
Pagpapalalim ng relasyong Pilipino-Sino, ipinagdiinan ni PBBM
Performance ng Pilipinas sa Ika-5 CIIE, maganda: AgriCon Ana Abejuela
Specialty coffee ng Pilipinas, kauna-unahang ibinibida sa CIIE
2022 CIIE, muling lalahukan ng Pilipinas; kape at mangga ibibida