Nag-usap Miyerkules, Enero 4, 2023 sa Beijing sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Xi na si Marcos Jr. ay ang unang dayuhang lider na dumalaw sa Tsina sa taong 2023.
Aniya pa, noong 1975, magkasamang pormal na itinatag ng ama ni Marcos Jr. at dating lider ng Tsina ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, at ito’y isang kapasyahang may napakahalagang katuturan.
Sinabi rin niyang ang agrikultura, imprastruktura, enerhiya at kultura ay apat na mahalagang larangan ng kooperasyon ng Tsina’t Pilipinas.
Ang mga ito ay mahalagang pundasyon para sa komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang panig, dagdag ni Xi.
Kasama ng Pilipinas, handa aniya ang Tsina upang patuloy at maayos na pangasiwaan ang mga isyung pandagat at panumbalikin ang talastasan hinggil sa paggagalugad ng gas at langis sa dagat.
Saad pa ni Xi, ang pagkakaibigan at pagtutulungan ay mahalaga para sa Tsina, Pilipinas, at iba pang mga bansa sa Asya. Nais aniya ng Tsinang pangalagaan ang nukleong katayuan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa kooperasyong panrehiyon, at iwasan ang epekto ng cold war at grupong komprontasyon sa rehiyon.
Sinabi naman ni Marcos Jr., na ang matatag at malakas na ugnayang Pilipino-Sino ay mahalaga para sa dalawang bansa at rehiyong Asya-Pasipiko.
Nakahanda aniya siyang magpunyagi upang patuloy na palakasin ang pagtutulungan ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Tsina at pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Nais din niyang pataasin pa ang lebel ng relasyon ng dalawang bansa, at pasulungin ito upang maging bagong makina ng kabuhayang panrehiyon.
Inulit din ni Marcos Jr. na iginigiit ng Pilipinas ang patakarang isang Tsina, at handa ang bansa upang maayos na lutasin ang mga isyung pandagat sa pamamagitan ng pagsasanggunian.
Sa muling pagbubukas ng Tsina, sinabi niyang hinhintay ng Pilipinas ang pagbalik ng mas maraming Tsino para sa pag-aaral at paglalakbay. Nananalig din siyang magkakaroon ng maliwanag na kinabukasan ang ugnayang Pilipino-Sino.
Matapos ang pag-uusap, magkasamang sinaksihan nina Xi at Marcos Jr. ang paglagda sa mga dokumentong pangkooperasyon hinggil sa Belt and Road, agrikultura, pangingisda, imprastruktura, pinansiya, adwana, e-commerce at turismo.
Nauna rito, inihandog ni Pangulong Xi ang maringal na seremonyang panalubong kay Pangulong Marcos Jr. at ang kanyang asawa na si Ginang Liza Araneta-Marcos.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio