PBBM, nasa Beijing: makikipag-usap kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina

2023-01-03 19:27:39  CMG
Share with:



Sa pag-anyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, dumating, gabi ng Enero 3, 2023 sa Beijing si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa tatlong araw na dalaw pang-estado sa Tsina.

 

Bago ito, sinabi niyang ang dalaw-pang-estado sa Tsina ay magbubukas ng bagong kabanata ng komprehensibo’t estratehikong kooperasyong Pilipino-Sino.


 

Kasabay nito, palalawakin aniya ng dalawang bansa ang pagtutulungan sa iba’t-ibang larangang gaya ng agrikultura, enerhiya, imprastruktura, siyensiya’t teknolohiya, kalakalan, pamumuhunan, pagpapalitang tao-sa-tao, at iba pa.

 

Ipinahayag din niya ang pananabik na makipag-usap kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina para i-angat pa ang bilateral na relasyong Pilipino-Sino.

 

Layon nitong maidulot ang maraming prospek at oportunidad para sa kapayapaan at kaunlaran ng mga mamamayan ng dalawang bansa, saad ni Pangulong Marcos Jr.

 

Handa aniya ang Pilipinas na muling tanggapin ang mga panauhing Tsino bilang turista, estudyante’t mamumuhunan para mapanumbalik ang kooperasyong panturismo’t pangkultura ng Pilipinas at Tsina.

 

Sa Miyerkules, Enero 4, naka-iskedyul na magtagpo sina Pangulong Marcos Jr. at Pangulong Xi.

 

Ihahadog din ni Pangulong Xi kay Pangulong Marcos Jr. ang seremonyang panalubong at bangkete.  

 

Bago rito, makikipag-usap si Pangulong Marcos Jr. kina Li Zhanshu, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Ika-13 na Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehistatura ng Tsina; at Premyer Li Keqiang.

 

Makaraang mananghalian sa Huwebes, Enero 5, lilisan ng Beijing pauwi ng Pilipinas si Pangulong Marcos Jr.

 

Ang pagdalaw na ito ay unang biyahe ni Pangulong Marcos Jr. sa 2023, at unang opisyal na pagdalaw sa isang bansang di-miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sapul nang manungkulan siya bilang ika-17 pangulong Pilipino.

 

Ayon sa mga tagapag-analisa, ipinakikita nito ang pagpapahalaga ng Pilipinas at Tsina sa kanilang bilateral na relasyon. 




Salin: Jade/Ernest

Pulido: Rhio

Web-editor: Jade

Photo courtesy: OPS