Tsina, handa na sa pinakamasalimuot at pinakamapanghamong biyahe sa Pestibal ng Tagsibol

2023-01-06 22:51:21  CMG
Share with:

Ipinahayag, Enero 6, 2023, ni Xu Chengguang, Pangalawang Ministro ng Transportasyon ng Tsina, na tinatayang aabot sa mahigit 2 bilyon ang kabuuang bilang ng mga pasaherong maglalakbay sa darating na Pestibal ng Tagsibol, pinakamahalagang pestibal ng mga Tsino.

 

Ito aniya ay 99.5% mas malaki kumpara sa gayunding panahon ng taong 2022.

 

Paliwanag ni Xu, ang biyahe sa bakasyon ngayong taon ay magsisimula Enero 7 hanggang Pebrero 15, at tatagal ng 40 araw.

 

Ito ang pinakamasalimuot at pinakamapanghamong biyahe sa bakasyon, dahil sa mga elementong may-kinalaman sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at napakalaking bilang ng mga manlalakbay, saad niya.

 

Makaraang optimisahin ng Tsina ang mga estratehiya laban sa COVID-19 at pababain ang lebel ng tugon sa virus mula Class A tungo sa Class B, lumalaki aniya ang bilang ng mga taong nagnanais magbiyahe sa mahabang distansiya, para bisitahin ang mga kamag-anakan o kaibigan, bumalik sa lupang-tinubuan, at maglakbay sa mga lugar panturista.

 

Ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit tataas ang bilang ng mga pasahero ngayong bakasyon, dagdag ni Xu.

 

Sa harap ng mga hamon at kahirapan, ginawa aniya ng Konseho ng Estado ng Tsina ang malinaw na estratehiya sa transportasyon, at hiniling sa mga may kinalamang departamento na paghandaan ang biyahe sa Pestibal ng Tagsibol, batay sa pinakamataas na pamantayan, pinakamahigpit na reglamento, at pinakakonkretong hakbangin.

 

Maayos na ginagawa at umuusad ang mga paghahanda, saad niya.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan