Ayon sa estadistikang inilabas Enero 13, 2023, ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong 2022, umabot sa 42.07 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng mga paninda ng Tsina, at mas malaki ito ng 7.7% kumpara sa halaga noong 2021.
Sa kabila ng mga hamon noong isang taon, na gaya ng di-magandang kalagayan ng kabuhayang pandaigdig, pagbaba ng pangangailangan mula sa labas ng bansa, at patuloy na pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), natamo pa rin ng Tsina ang kapansin-pansing resulta ng kalakalang panlabas. Ito ay palatandaan na hindi nagbabago ang mainam na pangmatagalang tunguhin ng kabuhayang Tsino, at pinalalakas din nito ang kompiyansa ng daigdig sa kabuhayang Tsino.
Sa panahon ng pandemiya, sa pamamagitan ng kalakalang panlabas, tiniyak ng Tsina ang sapat na suplay sa daigdig, at ibinigay ang ambag para sa pagbangon ng pandaigdigang kalakalan at kabuhayan.
Sa sentral na pulong sa gawaing pangkabuhayan ng Tsina na idinaos noong katapusan ng nagdaang taon, muling binigyang-diin ang kahalagahan ng kalakalang panlabas, at itinakda ang mga may kinalamang patakaran.
Ang mas masiglang kalakalang panlabas ng Tsina sa bagong taon ay magpapasulong sa mas mabilis na paglaki ng kabuhayang Tsino, at magbibigay-ambag sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Editor: Liu Kai