Enero 24, 2023, Buenos Aires – Sa kanyang naka-video na talumpati sa Ika-7 Summit ng Community of Latin American and Caribbean States (CELAC), sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang mga bansa ng Latin America at Caribbean (LAC) ay mahahalagang miyembro ng komunidad ng umuunlad na bansa, at gumaganap ng aktibong papel at gumagawa ng malaking ambag sa pandaigdigang pangangasiwa.
Ang CELAC ay di-maihihiwalay na lakas-panulak sa pandaigdigang kooperasyong Timog-sa-Timog o South-South cooperation, saad pa niya.
Bukod dito, ginagampanan din aniya ng CELAC ang makabuluhang papel sa pangangalaga sa rehiyonal na kapayapaan, pagpapalakas ng komong kaunlaran, at pagpapasulong ng integrasyong panrehiyon.
Ipinagdiinan ni Xi na laging kinakatigan ng Tsina ang proseso ng integrasyong panrehiyon ng Latin America at Caribbean.
Pinahahalagahan aniya ng Tsina ang relasyon sa CELAC, at itinuturing ito bilang pangunahing partner sa pagpapasulong ng solidaridad ng mga umuunlad na bansa at kooperasyong Timog-sa-Timog.
Dahil dito, nakikipagtulungan ang Tsina sa mga bansa ng LAC para matatag na palakasin ang China-CELAC Forum at isulong sa bagong panahon ang relasyong China-LAC na nagtatampok sa pagkakapantay-pantay, mutuwal na benepisyo, inobasyon, pagbubukas at kapakinabangan para sa mga mamamayan, paliwanag ni Xi.
Sa imbitasyon ni Pangulong Alberto Fernandez ng Argentina, kasalukuyang Presidente ng CELAC, nagtalumpati si Xi sa nasabing summit sa pamamagitan ng video.
Salin: Jade
Pulido: Rhio