“Pagsusuot ng pula,” hangarin para sa biyaya sa taon ng aking Chinese Zodiac sign

2023-02-09 11:20:27  CMG
Share with:

Ayon sa Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina, ngayong taon ay Taon ng Kuneho.

 

Ang kuneho ay ang ika-apat na hayop sa labindalawang Chinese Zodiac sign.

 

Ako’y ipinanganak noong 1999, na isa ring Taon ng Kuneho, kaya, ang kasalukuyang taon ay ang taon ng aking Chinese Zodiac sign, o “本命年běnmìngnián” sa wikang Tsino.

 

Kapag sasapit ang “本命年běnmìngnián” kada labindalawang taon, ang mga Tsino ay may kaugalian ng pagsusuot ng mga pulang damit at burloloy.

 

Sa kulturang Tsino, ang kulay pula, na sumisimbolo sa apoy, ay nakakapagpaalis ng kadiliman at lamig, at nakakapaghatid ng liwanag at ginhawa sa buhay.

 

Dahil diyan, binilhan ako ng pulang medyas at padyamang may pulang guhit ng aking mga magulang.

 

Bumili rin ako ng isang kulay pulang hoodie na may disenyo ng kuneho, bilang damit pambagong taon.


Isinuot ko rin ang isang DIY na pulang pulseras – regalong pambagong taon mula sa isang kaibigan.

 

Ang kaugalian ng “pagsusuot ng pula” sa “本命年běnmìngnián,” ay pagpapahayag ng paggalang sa mga Chinese Zodiac sign, para maiwasan ang kasawian at hilingin ang biyaya sa bagong taon.

 

At dahil Taon ng Kuneho, makikita rin ang mga elemento ng kuneho saan mang dako ng Tsina.

 

Sa loob ng bahay, inihahanda ng mga Tsino ang desk calendar na may nakaguhit na kuneho, samantalang sa labas, samu’t sari rin ang mga dekorasyong may disenyo ng kuneho.

 

Sa isang Spring Festival lantern show na idinaros sa lunsod Shenyang, probinsyang Liaoning sa Hilagang-silangang Tsina, isang malaking “花灯huādēng” o festive lantern ang naka-akit ng atensyon ng maraming turista, dahil sa napakakyut nitong hitsura ng kuneho, at magandang pagkakahalo ng mga elemento ng kulturang Tsino na gaya ng tambol Tsino at tinuhog na sugarcoated hawthorn o “冰糖葫芦bīngtánghúlu.”

 

Samantala, sa paanan ng Bundok Qipan sa naturang lunsod, makikita ang malaking iskultura ng isang pamilya ng mga kuneho na gawa sa niyebe.

 

Tulad ng mga Pilipino, ipinapahiwatig nito ang kagustuhan ng mga Tsino sa pagkakaroon ng maligaya at magkakabuklud-buklod na pamilya.

 

Video/Script: Kulas

Pulido: Rhio/Jade

Espesyal na pasasalamat: Yang Xue/ Bo Yinan