Makukulay na parol sa Lantern Festival

2023-02-05 12:18:43  CMG
Share with:


Ang ika-15 araw ng unang buwan ng Bagong Taong Tsino ay Pestibal ng Parol o Lantern Festival.

 

Ngayong taon, ito’y natatapat sa Pebrero 5.

 

Kasabay ng pagsasalu-salo at pagkain ng Tangyuan o Yuanxiao, bilu-bilo na pinalamnan ng iba’t-ibang sangkap, isa sa mga di-mawawalang selebrasyon ay ang pagsasabit at pagtatanghal ng makukulay na parol.  

 

Kaugnay nito, idinaos ng China National Arts and Crafts Museum at China Intangible Cultural Heritage Museum ang pagtatanghal ng mga parol mula sa iba’t-ibang lugar ng Tsina mula Enero 14 hanggang Pebrero 5, 2023.

 

Ang lahat ng mga nakatanghal na parol ay kabilang sa listahan ng pambansang intangible cultural heritage ng Tsina.

 

Ang kasalukuyang taong Tsino ay Taon ng Kuneho, kaya naman ang tema ng mga naggagandahang parol ay ang kaibig-ibig na hayop.


 Hugis-kunehong parol ng Zigong, Lalawigang Sichuan.


Mahigit 1,000 taon na ang nakakaraan, sa panahon ng Dinastiyang Tang (618AD-907AD), sinimulan ng mga mamamayan sa Lunsod Zigong, Lalawigang Sichuan sa dakong timog-kanluran ng Tsina ang pagtatanghal at pagtatanglaw ng mga parol.


Noong 2008, itinala ang pagtatanghal ng parol ng Zigong bilang pambansang intangible na kulturang pamana ng Tsina.


Parol ng Xianju County, Lalawigang Zhejiang


Kilala ang parol sa Xianju County, Lalawigang Zhejiang sa dakong silangan ng Tsina sa mga nililok na disenyo.

 

Ang paggawa at pagtatanghal ng parol na ito ay nagsimula sa panahon ng Dinastiyang Tang, at ito’y nakilala at umusbong sa kasagsagan ng sining at kahusayan ng paggawa noong Dinastiyang Ming (1368AD-1644AD) at Dinastiyang Qing (1644AD-1911AD).

 

Noong 2006, inilagay ang parol ng Xianju bilang pambansang intangible na kulturang pamana ng Tsina.


Mga parol ng Xiashi Town, Lalawigang Zhejiang

 

Mahigit 1,200 taon na ang kasaysayan ng parol ng Bayan ng Xiashi, Lalawigang Zhejiang sa dakong silangan ng Tsina.

 

Tampok sa parol ng Xiashi ang iba’t-ibang elementong pansining ng Tsina na gaya ng tula, kaligrapiya, lilok ng selyo, pinta, at burda.  

 

Noong 2006, inilakip ang parol ng Xiashi sa listahan ng unang grupo ng pambansang intangible na kulturang pamana ng Tsina.


Parol ng Beijing


Sa paggawa naman ng parol ng Beijing, na siyang kabisera ng Tsina, ginagamit ang iba’t-ibang pamamaraang pansining na gaya ng pagbuburda, paglilok, paggupit ng papel, pagpipinta, at iba pa.

 

Isa sa mga kilalang uri ng parol ng Beijing ay ang Zoumadeng o Parol ng Tumatakbong Kabayo.

 

Isang gulong ang nakakabit sa gitna ng parol, at habang umiikot ang parol, umiikot din ang mga larawan sa iba’t-ibang panig nito.

 

Madalas na ipinakikita ng mga larawan ang mga kabayo, kaya, habang umiikot ang parol, tila naghahabulan ang mga kabayo.

 

Dito nagmula ang pangalan ng parol.



Parol ng Lunsod Quanzhou, Lalawigang Fujian


Katangi-tangi ang parol ng Lunsod Quanzhou, Lalawigang Fujian sa dakong timog-silangan ng Tsina dahil sa taglay nitong ukit, pinta, kaligrapiya at iba pang mga sining.

 

Noong 2006, inilakip ang parol ng Quanzhou sa listahan ng unang grupo ng pambansang intangible na kulturang pamana ng Tsina.


 Parol ng Istilong Hui sa Lalawigang Anhui


Manu-mano ang paggawa ng mga parol ng Istilong Hui na nagmula sa Lalawigang Anhui sa gitna-timog ng Tsina.

 

Ito rin ang sining ng pinagsamang pinta, kaligrapiya, paggupit ng papel, pag-ukit ng papel at iba pa.

 

Natural ang mga materyal na gamit sa paggawa ng parol ng Istilong Hui, at kabilang dito ay kawayan, kahoy, papel at seda.


Parol ng Lalawigang Shanxi

 

Makikita naman sa parol ng Lalawigang Shanxi sa dakong hilagang Tsina ang pinaghalong katangian ng mga parol ng kahilagaan at katimugan ng bansa.

 

Video/Larawan: Liang Shuang/Rhio

Salin/Patnugot: Jade

Pulido: Rhio