Kooperasyon ng Tsina at IMF, makakatulong sa pagharap ng daigdig sa mga hamon – Premyer Tsino

2023-03-02 15:34:32  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap, Miyerkules, Marso 1, 2023 sa telepono kay Managing Director Kristalina Georgieva ng International Monetary Fund (IMF), inihayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na sa harap ng kasalukuyang masalimuot na kalagayang pandaigdig at panrehiyon, ang tuluy-tuloy na mapagkaibigang kooperasyon ng Tsina at IMF ay hindi lamang makakabuti sa kapuwa panig, kundi makakatulong din sa makakasamang pagharap ng komunidad ng daigdig sa mga hamon.

 

Saad ni Li, ang Tsina ay ang pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, at bilang aktibong tagapagpasulong ng South-South Cooperation, nagpupunyagi ito upang mapaliit ang agwat sa pagitan ng katimugan at kahilagaan.

 

Aniya, kailangang magkasamang sumali ang lahat ng mga kreditor sa pagresolba sa isyu ng utang ng mga bansang may mababang kita.

 

Handa ang Tsina na konstruktibong sumali sa pagresolba sa isyu ng utang ng mga kaukulang bansa, sa ilalim ng multilateral na balangkas, ani Li.

 

Hinimok din aniya ang iba’t-ibang panig na magkasamang umaksyon at patas na magsabalikat ng pananagutan, upang tulungan ang mga bansang may mababang kita na panaigan ang kahirapang ekonomiko, at isakatuparan ang sustenableng pag-unlad.

 

Tungkol naman sa kasalukuyang situwasyon ng kabuhayang Tsino, isinalaysay ni Li na tumatatag at bumabangon ang paglago ng kabuhayang Tsino, at mayroon itong malawak na espasyo ng pag-unlad sa hinaharap.

 

Inihayag naman ni Georgieva na ang pagbuti ng kabuhayang Tsino kamakailan ay nakapagbigay ng positibong ambag sa pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig, at patuloy itong magsisilbi bilang pangunahing lakas-panulak sa paglago ng kabuhayang pandaigdig.

 

Malaking pinataas ng IMF ang pagtaya sa paglago ng kabuhayang Tsino, saad niya.

 

Pinasalamatan din niya ang positibo’t konstruktibong pakikitungo at sigasig ng panig Tsino para suportahan ang mga umuunlad na bansa na harapin ang krisis sa utang.

 

Handa aniya ang IMF na palakasin ang pakikipagkoordina at pakikipagtulungan sa panig Tsino tungkol dito.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio