Sesyon ng NPC, bubuksan Marso 5

2023-03-04 15:35:16  CMG
Share with:

 

Sa preskong idinaos ngayong araw, Marso 4, 2023, sa Beijing, isinalaysay ni Wang Chao, tagapagsalita ng unang sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan o NPC, kataas-taasang lehislatura ng Tsina, na bubuksan bukas ng umaga ang naturang sesyon, at ipipinid sa Marso 13.

 

Ayon kay Wang, bukod sa ilang ulat na kinabibilangan ng ulat sa mga gawain ng pamahalaan, susuriin din ng mga kinatawan ng NPC ang panukala ng rebisadong Batas sa Lehislasyon, at plano sa reporma ng mga institusyon ng Konseho ng Estado ng Tsina.

 

Ihahalal at pagpapasyahan ng mga kinatawan ang mga miyembro ng mga organo ng estado, dagdag niya.

 

Sinabi rin ni Wang, na ang paghalal ng mga kinatawan ng mga kongresong bayan sa Tsina ay mabuting halimbawa ng buong prosesong demokrasya ng bayan ng bansa.

 

Aniya, ang mga kinatawan ng Ika-14 na NPC ay galing sa iba’t ibang sektor sa iba’t ibang antas ng Tsina, at malawak ang kanilang pagkakatawan.

 

Isinalaysay din ni Wang, na naitayo na sa buong Tsina ang mahigit sa 20 libong sentro at tanggapang liasyon ng mga kinatawan ng mga kongresong bayan, at sa mga lugar na ito, napapakinggan ng mga kinatawan ang tinig ng mga mamamayan, at tinutulungan sila sa paglutas ng mga kahirapan at pagkabahala.


Editor: Liu Kai