Martes, Marso 7, 2023, Beijing – Sa ulat ng mga gawain ng Kataas-taasang Hukumang Bayan ng Tsina sa unang sesyon ng Ika-14 na Pambansang Kongresong Bayan (NPC) o punong lehislatura ng bansa, inihayag nitong ipagtatanggol ng mga hukumang Tsino, alinsunod sa batas, ang pambansang pagkakaisa, sa pamamagitan ng pagpaparusa sa lahat ng mga kriminal na naghahangad pagwatak-watakin ang bansa.
Anang ulat, sasawatain ang mga aksyong gaya ng impiltrasyon, sabotahe, subersyon, at mapangwatak na aktibidad ng mga ostilong puwersa mula sa loob at labas ng bansa.
Matatag na tututulan ng mga hukumang Tsino ang mga ilegal na sangsyon at "long-arm jurisdiction” upang mapangalagaan ang soberanyang hudisyal ng bansa at kapakanan ng mga mamamayan, saad pa ng ulat
Dagdag nito, desididong ipagtatanggol ng mga hukumang Tsino ang lehitimong karapatan sa ari-arian at kapakanan ng mga pribadong bahay-kalakalal at mangangalakal.
Ang pangangalaga sa mga personal na impormasyon ay palalakasin, at mabigat na paparusahan ang mga nagsasagawa ng cyber crime, ayon pa sa ulat.
Salin: Vera
Pulido: Rhio